Jayson sobrang saya sa balik TNT ni Poy

Hindi itinago ni Jayson Castro ang saya na natuloy din ang balik ni Poy Erram sa TNT.

Nagkaroon bigla ng inside threat ang KaTropa, bagay na wala sa kanila nitong nagdaang mga season ng PBA.

Si Troy Rosario ay mas nagla­laro bilang stretch four, nagkakaedad na rin si Kelly Williams.

“’Finally, iyon nga, may big man na kami na legit big man talaga,” ani Castro. “I think iyon iyong kulang sa amin, eh. Makakatulong talaga siya sa amin.”

Tiwala ang veteran point guard sa kakayahan ni Erram, sa edad 30 ay marami pang i-improve ang laro at mas maraming pahihirapan sa liga. Nakita raw niyang tyinaga ni Erram na palakasin pa ang laro.

“Alam mo naman na isa siya sa mga magdo-dominate ng center position kasi iyong patience niya, makikita mo,” dagdag niya.

TNT ang kumuha kay Erram bilang 15th pick noong 2013 pero hindi siya nakasingit sa loaded na frontcourt ng KaTropa noon kina Ali Peek, Ranidel De Ocampo, Kelly Williams at Japeth Aguilar.

Naging practice player nga lang ang 6-foot-8 slotman mula Ateneo noon, hanggang i-trade sa Blackwater.

Sa Elite din dumaan si Erram mula NLEX para bumalik sa TNT. Dalawang beses pinarebisa ng PBA ang trade paper bago ina­prubahan.

Sa Philippine Cup na magbubukas ng 45th season sa March 8, mas lalo pang umangas ang KaTropa lalo’t wala ang ibang legit big. (Vladi Eduarte)