NAPATILI kami sa episode ng Till I Met You kamakalawa nang gabi aminin ni Ali (JC Santos) kay Iris (Nadine Lustre) na bading siya, at na-in love kay Basti (James Reid).

Sinampal ni Iris si Ali at nilayasan.

Tiyempo namang parating ang clueless na si Basti kaya tinalakan ito ni Iris, “Kasalanan mo ito!”

Mabilis ang takbo ng kuwento.

Natutuwa si JC sa magandang feedback sa kanilang drama series. Lalo na ang LGBT community na parang napapaniwala nito na bading siya.

“Kung ganun po ang ibig sabihin, para sa akin ay nabibigyan ko ng hustisya ‘yung role ko.

“Kung napapaniwala ko sila, maraming salamat po. It’s a compliment for me,” pahayag ni JC.

Malaking bagay ang pagiging aktor ni JC sa teatro kaya ganu’n ka-convincing ang portrayal niya.

Kahit ang mga co-actor niya ay bilib sa kanya dahil maayos niyang nagampanan ang mapanghamong role ng closet queen na si Ali.

Sabi ng isa ring theater actor na si Robert Seña na siyang gumaganap na tatay niya, malaking bagay ang pagiging theater actor nito kaya magaling itong si JC.

“Grateful ako na siya ang erpats ko dito. Nakakakilig naman ‘yun. Sobrang saya ko na sila ni Ms. Pokwang ang parents ko,” reaksyon ng indie actor.

Kasisimula pa lang nitong Til I Met You, ang bilis ng mga pagbabago sa showbiz career ni JC.

Dati ay 4,000 lang ang followers niya sa kanyang Instagram account, ngayon ay mahigit 57,000 na.

Kapag lumalabas siya ay ang dami nang nagpa-picture sa kanya, pero nagagawa pa rin niya ang mga dati niyang ginagawa gaya ng malling.

“So far, napupuntahan ko pa naman po ang Robinsons Magnolia,” natatawa niyang sagot.

Ang isa pa sa ipinagpasalamat ni JC ay mabait sa kanya ang supporters ng JaDine.

Masaya raw katrabaho sina James at Nadine, kaya ang gaan lang sa taping.

“On and off cam, masayang-masaya ako na nakakatrabaho ko sila ngayon,” pakli ni JC.

Hindi pa naiisip ni JC kung ano ang mangyayari sa showbiz career niya pagkatapos ng Til I Met You.

Puwede siyang mag-TV pa uli. Baka bumalik sa teatro o baka gumawa ng indie films.

Okay lang sa kanya na mag-audition nang mag-audition para mabigyan siya ng magandang project.

“Gusto ko lang po ng regular job,” deretsong sagot ni JC.