MATAPOS ang pagganap bilang Ali sa Till I Met You, balik-teatro ang ‘di na kulot na si JC Santos.

Lalong nagmukhang fresh at yummy si Santos na bida sa Buwan at Baril sa Eb Major.

Ano ba ang nabago sa buhay niya matapos maging Ali? Naka­ngiting sagot ni Santos, “Madami, madami po. Unang-una na, lifestyle, the idea of popularity.

“Dati kasi, papanoorin lang ako para maisulat sa reaction paper. Ngayon, na naging Ali ako, free na ako pinapanood ng lahat.

“Iba na ang trabaho ko ngayon. I am very, very happy with that. Ayon at least, nabig­yan ko ng malaking pintuan ang mga tao sa teatro, na ‘yung mga network, naniniwala sa kakayahan ng mga taga-teatro and I am very very happy about it.”

Patuloy ni JC, “I was overwhelmed na sobra-sobra sa popularity ko. Hanggang ngayon, nahihiya pa rin ako.

“Pero it is part of my job now. Medyo nakikilala na nila ako. Kaila­ngan na rin pong maging confident.”

Prior to being part of TIMY, marami na ring pinagbidahang theater plays at independently-produced movies si Santos.

Pahayag nito, “Okay naman ako sa kahit na anong role. Lahat, ginagawa ko. Wala akong problema kahit passer by lang ako, basta may ikinukuwento ako and as an actor I am a storytel­ler. “And when you are starting, pinagdadaanan mo ‘yung ganu’ng mga pangyayari.”

Kuwento pa niya, “Ang wish ko sa nga­yon, magpatuloy lang ang good streak ng career ko.

“Siyempre, pagsusumikapan pa rin iyon. Walang humpay na reinventing ng character for me.”

After this play, ang next in line projects niya ay, “Mayroon po akong gagawin na pelikula with direk Chito Roño. Kasama ko po si Kim Chiu.

“‘Di pa po ako pwede magbigay ng detalye. May pinaplano pong tele­serye pero hindi pa rin po pwede sabihin.

“Kasali rin ako pre-Valentine concert ni Bituin Escalante sa Feb 10. May pelikula ako na ipapalabas na, Sakaling Hindi Makarating na entry sa Cine Filipino last year. Baka may isang indie pang para­ting.”

Kasama ni JC sa Buwan at Baril sa Eb Major sina Cherry Pie Picache, Jackie Lou Blanco, Danny Mandia, Joel Saracho at marami pang iba.

Palabas ito mula Enero 26 hanggang Pebrero 12, sa Bantayog ng mga Bayani, Ambassador Alfonso T. Yuchengco Auditorium, Sen. Jovito R. Salonga Building, Bantayog Center, Quezon Ave., Diliman, Quezon City.