Jean, babu sa lovelife dahil sa apo

Jean Garcia

EXCITED na ikinuwento sa amin ni Jean Garcia na magkakaroon sila ng pictorial ng apo niya sa Yes magazine.

Nasa story conference si Jean ng pelikulang Mano Po 7 ng Regal Films at napag-usapan namin ang pagiging lola at kung paano alagaan ng anak niyang si Jeni­ca Garcia ang baby nila ni Alwyn Uytingco.

Dagdag pang kuwento ni Jean, may feature ang naturang magazine sa mga showbiz lola at isa siya sa mga napili.

Naka-schedule na ang pictorial niya basta kabilin-bilinan niya na siya lang at ang apo niyang si Mori na kawa-one year old lang.

“Nung tumawag sa akin ‘yung Yes magazine, feature daw kaming mga lola. Sige, sabi ko basta da­lawa lang kami ni Mori, ha? Huwag n’yo isama mga parents.

“Basta mag-lola lang talaga ‘yan, ha?” natatawang kuwento ni Jean.

Noong buntis pa lang si Jenica, parang naala­ngan pa siya kapag sinasabi ng iba na magiging lola na siya.

“Dati, sinasabi ko, teka muna… tatawagin na akong lola, ganyan, ganyan. Pero nang luma­bas na ang apo ko, payag na payag na ako!” bulalas ng Kapuso actress.

Feeling niya, parang lalo siyang bumata dahil ‘pag lumabas siya, parang meron lang siyang bagong baby.

“Parang baby ko na hindi ko apo,” pakli nito.

Kaya wala na sa isip niya ang magkaroon ng lovelife niya dahil happy na siya sa buhay niya kasama ang kanyang love na apo na si Mori.

***

Magkakaroon pala ng show ang dating go­vernor ng Ilocos Sur na si Chavit Singson sa GMA News TV.

Isa ito sa naibahagi ni Manong Chavit sa interview sa kanya ni Aster Amoyo kahapon.

Nabanggit niya ang tungkol sa show nang nalaman niyang sa GMA News TV din mapapanood ang naturang interview.

Hindi lang ma-describe nang mabuti ni Manong Chavit ang format ng show pero parang public service ito na tra­vel show.

Ang pamagat ng show niya ay Happy Life kung saan iyun ang gusto niyang iwan sa mga taong natulungan niya, ang magkaroon ng happy life.

Nakapag-tape na sila ng pitong episodes, at kapag makumpleto na nila ang buong season, bale 13 episodes, ipala­labas na nila ito.

Baka ma-misinterpret ng iba ang show niya dahil pawang magagandang girls ang kasama niya.

“Puro magagandang babae ang kasama ko, bawal ang pangit,” napapangiti niyang pahayag.

Ang kaibahan nito, sa mga lugar na pinupuntahan nila, meron silang mga taong matutulungan.

“Matagal na kasi akong tumutulong, gusto ko nang ilabas sa TV para ma-encourage ko ang other groups or other individuals to follow, na ipamigay nila ang pera nila.

“‘Pag mamatay sila, hindi nila madadala.

“Eh ako, pamimigay ko dahil hindi ko naman ‘to madadala ‘pag namatay ako eh.

“Of course I’ll be giving to some of my families, children. Pero karamihan, pamimi­gay ko. ‘Di ko madadala eh.

“Kung iiwanan ko, pag-aawayan pa, eh,” napapangiti niyang pahayag.

Wala pa siyang timeslot, pero baka sa weekend ito mapapanood.