Nakilala sina Jean Garcia at Eula Valdez bilang mahigpit na magkaribal sa kanilang iconic roles bilang Claudia Buenavista at Amor Powers sa toprating Kapamilya teleseryeng “Pangako sa Iyo”.
Dahil dito, pagdating sa aktingan, madalas silang pinagsasabong noon.
Katunayan, unang sumabak sa action film na “Neomanila” bilang assassin si Eula.
Ngayon naman, first time rin na mapapanood sa pelikulang suspense-action si Jean na kinarir ang pagiging action star sa PPP entry na “Watch Me Kill”. Ginagampanan niya ang role ni Luciana, isang hired killer.
Sey ni Jean, hindi raw siya nakikipagkumpentensiya o nakikiuso kay Eula, nagkataon lang daw na may offer sa kanyang mag-aksyon.
Hirit pa niya, kaibigan daw niya si Eula at hindi siya nakikipagpaligsahan dito.
Dagdag pa niya, gusto raw niyang makasama muli ito sa isang proyekto.
Thankful din si Jean na sa edad niyang 50 ay nabibigyan pa siya ng lead role.
“Honestly, hindi ako ang unang ikinunsider rito. For me naman, it doesn’t matter kung first pick ka, o second pick. Ang importante, ikaw ang gumawa ng pelikula. Nagustuhan ko kasi ‘yung story kasi never pa akong nakakagawa ng ganitong klaseng character. Sa edad ko ring ito, at 50, gusto ko ring i-challenge ang sarili ko na kaya kong gawin ang ganitong klaseng pelikula. Gusto ko ring ma-experience na maidirek ng isang direktor na nag-aral talaga sa Amerika,” aniya.
Bilang paghahanda sa kanyang role bilang assassin, nag-immerse raw siya sa kanyang karakter at sumailalim sa intensive training sa combat at ammunition.
“Ako kasi ‘yung tao na takot ako sa mga baril. Takot akong masugatan. Takot pero [during the shoot], nag-enjoy naman. All in all, we had two weeks of training. One week of that is for the fight scenes lang and paano bumaril,” pagbabahagi niya. (Archie Liao)