Jeep malabo pa makabiyahe sa GCQ

Posibleng hindi pa makabiyahe ang mga pampasaherong jeep sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine (GCQ) simula Mayo 1.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mahirap ipatupad ang social distancing sa mga jeep dahil magkakaharap ang mga pasahero sa loob ng sasakyan.

Ang maaari lamang bumiyahe ay mga pampasaherong bus na kailangang ipatupad ang mahigpit na social distancing.

“Sa transportasyon, ang posibleng bumalik ngayon ay mga bus kasi pupuwedeng mag-social distancing diyan. Mukhang hindi pupuwede ang jeepney kasi ang mga jeepney po harapan eh, so hindi pupuwedeng mag-social distancing diyan,” ani Roque.

Tatalakayin aniya sa pulong nitong Lunes ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang guidelines para sa operasyon ng mga sasakyan sa sektor ng transportasyon.

Kasama sa mga isasapinal sa pulong ng IATF ang guidelines para sa transportasyon, kalusugan, para sa mga manggagawa at mga kompanyang papayagang magbukas ng operasyon sa ilalim ng GCQ at inaasahang iaanunsiyo ngayong Martes.(Aileen Taliping)