Sugatan ang walo katao nang magbanggaan ang isang sports utility vehicle (SUV) at public utility jeep (PUJ) kahapon ng umaga sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktimang sina Amron Ambug; Mark Anthony Jebulan; Leo Matt Alcaraz; Ariel Ocenado; Jana Doquillo; Alfonso Balago-On; driver ng Toyota Rav 4 na si Marionne Angelo Ocampo at tsuper ng jeep na si Kenneth Acedo Managan, pawang nasa hustong gulang sanhi ng tinamong sugat at pasa sa katawan.

Ayon kay SPO3 Ricky Murillo, ng Pasay City Traffic Bureau, alas-sais ng umaga nang maganap ang insidente sa Macapagal Boulevard kanto ng EDSA Extension.

Galing ng EDSA Taft ang pampasaherong jeep na may biyaheng Buendia Macapagal Avenue na minamaneho ni Mana­gan papuntang MOA, habang galing naman ng Macapagal Boulevard Northbound ang SUV (RAV4) na may conduction sticker na A3L-449.

Pagsapit ng intersection at dahil hindi nakontrol ng driver ng SUV ang preno ay nasalpok nito ang PUJ na may plakang TYM-582.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumagilid paka­nan ang PUJ na ikinasugat ng mga biktima.