Nasawi ang 44-anyos na jeepney driver habang sugatan ang dalawa nitong pasahero nang sumalpok sa isang van nang pumutok ang kanyang gulong at sakupin ang kabilang linya ng kalsada sa Carmona, Cavite.
Idineklarang dead on arrival sa ospital si Noel Montealto habang ginagamot din sa nasabing pagamutan ang pasahero nitong sina Rosalie Agojo at Julito Quitay dahil sa tinamong sugat sa katawan.
Hawak naman na ng pulisya ang driver ng isang Isuzu Ref Van na may plakang CAI 358 na si Alvin Llona.
Sa ulat ni ng pulisya dakong alas-5:50 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa kahabaan ng Govenor’s Drive, sakop ng Carmona kung saan binabagtas ng biktima ang nabanggit na lugar habang minamaneho ang kanyang jeepney patungo sa direksiyon ng Carmona proper galing sa GMA, Cavite.
Pero pagsapit sa nasabing lugar, pumutok ang kanang bahagi ng gulong ng kanyang sasakyan dahilan upang mawalan ng kontrol sa kanyang manibela at okupahin ang kabilang linya ng kalsada at siya namang paparating ang minamanehong van ni Alcantara na nagresulta sa pagsalpukan ng dalawang sasakyan at tumama rin sa isang puno ng kahoy.
Rumesponde sa insidente ang rescue team at isinugod ang driver ng jeep at mga pasahero nito subalit idineklarang dead on arrival si Monetalto. (Gene Adsuara)