Sugatan ang 17 pasahero ng isang jeep, 7 sa mga ito ay nasa malubhang kalagayan matapos na magloko ang makina sa Bacon District, Sorsogon City kamakalawa ng hapon.

Kabilang ang drayber na si Freddie Dio Desta, 70, ang isinugod sa malapit na pagamutan dahil sa bali at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Pitong pasahero rin ang inilipat sa mas malaking hospital dahil sa malalang kalagayan ng mga ito.

Sa ulat ng Sorsogon City PNP, naganap ang insidente dakong alas-dos ng hapon sa Sitio Gajo Brgy. Osiao ng nasabing lungsod habang patungo ang jeep sa Sitio Tiris. Namatay umano ang makina nito at nawalan ng preno kaya mabilis na bumulusok nang paatras kaya bumaligtad ng ilang ulit.

Posibleng makasuhan ang drayber na si Desta dahil sa pangyayari.