Jennifer mabenta ang wig

Ni: Aster A. Amoyo

Nagpakasal si Jennifer Sevilla kay Saymour Go noong November 11, 2007. Ang mag-asawa ay meron ng dalawang anak, sina Simon (11) at Mavy (7).

Sa simula ay tumulong muna si Jennifer sa negosyo ng kanyang mister na si Saymour sa Tutuban Mall na siya ring supplier ng mga mannequins sa iba’t ibang stores. Eventually ay kanilang itinayo ang stand-alone business ng mga wigs and other hair fashion accessories, ang Lynelle Hair Fashion sa Virra Mall sa Greenhills Shopping Center . May limang branches na ngayon at personal na pinamamahalaan ni Jennifer habang ang kanyang mister ay siyang nakatutok sa business nila sa Tutuban Mall at chain of gasoline stations.

Nakatulong din ng malaki ang pagiging showbiz personality ni Jennifer para agad makilala ang kanilang business. Marami rin siyang customers na mga showbiz personalities, production people (from stage plays, TV and movies), cosplayers, gays at iba pa na gustong magkaroon ng iba’t ibang style ng buhok.

Since artista si Jennifer, may mga times na nagdadala siya ng iba’t ibang wigs sa set para iba’t ibang ang kanyang hairstyle at dito rin nagka-interes ang iba niyang mga kasamahan sa trabaho pati personal wigs niya ay nabibili.

Kahit financially stable na si Jennifer at ang kanyang mister, hindi nito ikinakaila na hinahanap-hanap pa rin umano niya ang kanyang showbiz career . Thankful siya dahil napaka-supportive umano ng kanyang mister na si Saymour.

Nag-iisang anak lamang si Jennifer pero ulila na siyang lubos sa kanyang mga magulang .Ang kanyang pamilya ngayon ay ang husband niya at dalawang anak . Ito ang nagsisilbing source of strength at inspirasyon niya.

Jennifer unang katambal ni Romnick

Nu’ng nabubuhay pa ang starbuilder at Master Showman na si German `Kuya Germs’ Moreno, he was always proud of his talents na nagmula sa “That’s Entertainment.” Isa itong youth-oriented program which he line-produced and hosted for GMA na tumagal sa ere ng sampung taon mula 1986 to 1996.

Ang nasabing programa ang pinagmulan ng napakaraming stars na hanggang ngayon ay mga aktibo pa rin tulad nina Lea Salonga, Isko Moreno, Billy Crawford, Ian Veneracion, Vina Morales, Keempee de Leon, Manilyn Reynes, Janno Gibbs, Bing Loyzaga, Romnick Sarmenta, Sheryl Cruz, Cris Villanueva, Jessa Zaragoza at marami pang iba. Isa sa produkto ng naturang show ay ang singer-actress-turned successful businesswoman na si Jennifer Sevilla.

“Lahat ng mga talents na nagmula sa “That’s Entertainment” ay hinding-hindi makakalimutan si Kuya Germs at ang nagawa niya sa amin,” pahayag ni Jennifer.

“He was our godfather sa showbiz. Napakarami niyang natulungang talents lalo ang mga kabataan noon,” lahad pa niya.

Si Jennifer ay seven years old pa lamang nang siya’y magsimula bilang product endorser ng Jack `n Jill fun snack. Ito’y nasundan ng marami pang ibang endorsements

As a teenager, napabilang siya sa “That’s Entertainment mula 1988 hanggang 1993 .Naging contract star din siya noon ng Seiko Films. Eventually, nakagawa rin siya ng movie projects sa iba’t ibang movie companies tulad ng Regal Films, Viva Films, Star Cinema at iba pa.

Over at “That’s Entertainment,” siya ang unang naging ka-loveteam ni Romnick Sarmenta . Nang mag-click ang tambalan nina Romnick at Sheryl Cruz, nag-produce ang Seiko Films ng pelikulang “Puso sa Puso” pinagsama silang tatlo .Hanggang sumikat nang husto ang tambalan nina Sheryl at Romnick. Ipinareha naman ni Kuya Germs si Jennifer kay Michael Locsin maging kay Ian Veneracion.

Habang siya’y nasa “That’s Entertainment” ay kinontrata siya ng Seiko Films ni Robbie Tan . Nakagawa ng maraming pelikula tulad ng “Puso sa Puso,” “Langit at Lupa,” “Guhit ng Palad,” “Kung Ako Na Lang Sana,” “Paraiso: Tatlong Kuwento ng Pag-asa” para sa Gawad Kalinga, “Kahapon, May Dalawang Bata,” “Kay Tagal Kang Hinintay,” “Muling Umawit ang Puso,” “Kapitan Inggo” at marami pang iba. Nakagawa rin siya ng mahigit dalawampung TV series tulad ng “Esperanza,” “Tiera Sangre,” “Saang Dulo ng Langit,” “Hawak Kamay,” “Strawberry Lane,” “Pati Ba Pintig ng Puso” at iba pa. Pagkaraan ng limang taon ay nagbalik siya sa telebisyon sa pamamagitan ng “Love Thy Woman” na pinagbibidahan nina Kim Chiu, Xian Lim at Yam Concepcion.

Nagsara ang negosyo

Nasa “That’s…” pa noon si Jennifer nang siya’y pansamantalang tumigil sa kanyang showbiz career upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa University of Santo Tomas (UST) kung saan siya nagtapos ng Communication Arts. Matapos niyang mag-aral ay nagsimula siyang magtayo ng kanyang sariling home-based clothing business na siya mismo ang nagde-design.

Kumuha siya ng mga mananahi at siya na rin mismo ang personal na namimili ng mga supplies sa Tutuban Mall sa Divisoria. Dito niya nakilala ang mister niya na siyang pinagkukunan niya noon ng mga taylor supplies.

Dahil sa pagdagsa ng mga murang clothing supplies mula China, humina ang negosyo ni Jennifer. Napilitan niyang isara ang kanyang personal business.