Jenny Roa sasalubungin ang Bagong Taon sa kulungan

Ni Aster A. Amoyo

Matagal nang walang balita sa singer-actress na si Jenny Roa. 45-anyos na siya ngayon at sumikat nu’ng dekada nobenta.

Si Jenny ay kapanabayan noon nina Karla Estrada at Patricia Javier sa programang “That’s Entertainment”.

Introducing siya sa pelikulang “Tag-araw, Tag-ulan” with Dina Bonnevie at Gary Estrada. Nanalo siya sa pelikulang ito para sa New Movie Actress of The Year (1993) ng Star Awards for Movies.

Magmula nang ito’y tumigil sa kanyang showbiz career ay wala nang balita sa kanya hanggang sa ito’y masakote ng mga Drug Enforcement Unit (DEU) ng Pasay City Police nu’ng gabi mismo ng araw ng Pasko, December 25, 2019. Nangyari ito sa isang lugar sa Pasay kasama ang isang nagngangalang Norman Vina (48-anyos) sa isang drug buy-bust operation.

Namayagpag noong Dekada 90

Nu’ng kasikatan ni Jenny ay nakagawa ito ng maraming pelikula na karamihan ay action movie. Nakasama niya ang malalaking action stars noon tulad nina Robin Padilla, Ace Vergel, Ian Veneracion at maging si Zoren Legaspi.

Si Robin ay nakatrabaho ni Jenny sa pelikulang “Manila Boy” in 1993 na dinirek ni Arturo San Agustin under Pioneer Films. Taong 1992 naman nang gawin niya ang “Boy Praning” with Ian. Taong 1993 rin nang makasama niya ang yumaong si Ace Vergel sa pelikulang “Kahit Ako’y Busabos” na dinirek ni Bebong Osorio.

Sa parehong taon ay nakatrabaho niya si Zoren Legaspi sa pelikulang “Tiboy Tikas at ang mga Khroaks Boys” na tinampukan din nina Sheila Ysrael, Roy Alvarez, Lito Legaspi, Patrick de la Rosa, Orestes Ojeda, Smokey Manaloto at iba pa. Ito’y dinirek ni Willy Milan.

Nakagawa rin noon si Jenny ng ilang sexy movies at kasama na rito ang “Ang Galing-Galing Mo, Babes” in 2002 na pinamahalaan ni Ed Palmos at tinampukan din nina Joyce Jimenez, Ruby Moreno, Albert Martinez at Margus Madrigal. Ito na rin bale ang last movie na ginawa ni Jenny. Magmula noon ay tuluyan na itong naglaho sa showbiz para harapin ang kanyang pribadong buhay.

Nagdroga para pumayat, labanan ang depression

At 45, malaki na ang itinanda at ipinagbago ng hitsura si Jenny. Isang indikasyon na hindi naging maganda ang takbo ng buhay nito magmula nang ito’y tumalikod sa showbiz.

Noon pa man ay napapabalita na nagugumon umano si Jenny sa ipinagbabawal na gamot pero nito lamang December 25 ng gabi lamang siya nahuli at nakulong.

Ayon na rin sa mga naunang salaysay ni Jenny ay bumaling lamang umano siya sa droga dahil sa depression at para pumayat, pero hindi umano siya nagtutulak.

Si Jenny at kasamahan nitong si Norman Vinas ay kapwa kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drug Act.

Hindi maliwanag kung si Jenny ay may asawa’t anak.

Kung sa araw mismo ng Pasko nahuli si Jenny, sa kulungan na rin niya umano sasalubungin ang Bagong Taon.