Jennylyn ayaw mag-ilusyong luluhod si Dennis

Parang lalong gumanda si Jennylyn Mercado ngayon nang makita namin sa mediacon at mapanood sa pilot episode ng bagong primetime serye nila ni Dingdong Dantes na Philippine adaptation ng isang hit Korean drama series.

Ang sabi sa amin ni Jen, nagkalaman kasi siya so medyo may pisngi na siya at hindi na siya payat na payat gaya dati.

“Wala na rin kasi akong oras para magtodong exercise. Siyempre, ‘pag puyat ka, pagod ka na, hindi ka na puweng mag-diet, ‘di ba? So, kailangan mong kumain nang tama,” pakli ng aktres.

‘Yung dati ba, super-diet siya kaya ang payat-payat niya?

“Never naman akong nag-diet, pero noon kasi, mas tinitingnan ko ‘yung kinakain ko. Ngayon kasi, parang nagdya-junk na ako, medyo hindi na healthy.”

Eh pero mas gandara siya ngayon, in fairness!

“Ang ganda pala ng effect, ‘no? Ha! Ha! Ha! Ng pagiging unhealthy! Ha! Ha! Ha!” tawa niya.

Naaliw kami sa reaksyon ni Jen nang mausisa siya kung may special announcement ba sila ni Dennis Trillo sa upcoming Valentine concert nila na “CoLove Live”.

“Wala, wala,” kaswal na sagot ng 32-anyos na aktres.

Sana meron. Gamitin nila ‘yung concert para du’n. Charot!!

“Ano ba? Hindi, hindi puwedeng pilitin ‘yan. Darating na lang ‘yan.”

Malay niya, biglang lumuhod si Dennis sa stage?

“Ano ba ‘yan? Walang ganu’n,” napapangiting reaksyon ni Jen.

Hindi niya sure, ‘no! Malay niya ba kung may binabalak nga si Dennis?

“Eh kailangan manood sila para mapanood nila kung meron man!”

Pero kung may proposal nga, ready na ba siya?

“Hindi ko alam. Hindi ko masasagot ‘yan. Doon ko na masasagot ‘yan kung nandu’n na ako! Ha! Ha! Ha!”

February 15 ang concert ng JenDen sa New Frontier Theater at ‘yun na raw ang pinaka-Valentine date nilang mag-sweetheart.

Wala raw silang time mag-date at nakakatakot din daw lumabas dahil baka mamaya, magkaubo at sipon sila, hindi pa sila makakanta nang maayos. Mabuti na raw magpahinga at i-reserve ang energy sa mismong show.

Samantala, natuwa si Jen nang sabihin naming ang lakas pala ng chemistry nila ni Dingdong at nakakakilig silang dalawa.

Sapat na raw ‘yon pandagdag-confidence sa team nila.

Hindi pala fan ng K-drama si Jen. Ang una niyang napanood ay “My Love From the Star” na siya rin ang bida sa Pinoy adaptation at itong “Descendants of the Sun” ang pangalawa.

Natawa siya sa hirit namin na siya pala ang reyna ng Pinoy adaptation. Nagkataon lang daw.

Doktora ang role ni Jen dito at mahirap daw ang medical terms.

Habang nag-oopera ay ang dami niya raw sinasabi. Ang hirap na raw nu’ng ginagawa niya ay ang dami pa niyang sinasabi at inuutos, so ‘yun ang pinaka-challenging for her.