NAKAKALUNGKOT na makita na nawawalan ng sinehan ang Ang Larawan nina Rachel Alejandro, Paulo Avelino at Joanna Ampil.

Nabalitaan na nga naming tinanggal na ang Ang Larawan sa Trinoma at pinalitan na ito ng Revenger Squad.

Pati nga raw sa SM Baguio ay pinalitan na rin daw ng Revenger nina Vice Ganda, Daniel Padilla at Pia Wurtzbach ang All of You nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado.

Nangako naman daw ang mga sinehang nagtanggal na ibabalik nila ito sa January 1, 2018.

Pero tinanggal pa rin at `yun ang malungkot. Kaya dapat na itodo na ang suporta sa mga pelikulang ito.

Dapat na tuloy-tuloy ang suporta sa mga pelikulang ito na parehong naka-A sa CEB, ang Ang Larawan at Deadma Walking, pati ang All of You na mukhang makakabawi naman ito pagkatapos ng awards night mamayang gabi.

Vice Ganda feeling victorious na

HINDI nga puwedeng maglabas ng figures at sabihing number one sa takilya, kaya nag-post na lang si Vice Ganda sa kanyang Instagram.

“Maraming-maraming salamat po Madlang People! Ang sarap niyo magmahal. Ang sarap makipagmahalan sa inyo. #TheRevengerSquadNowShowing,” sabi ni Vice.

Nag-trending din kahapon ang kanilang #TRS2ndBlockbusterDay na kung saan pati ang Ang Panday ay nababanggit ding lumalaban sa topgrosser.

Abangan na lang natin ang announcement ng MMFF Executive Committee pagkatapos ng festival kung magkano ang kinita ng ngayong taong MMFF.