Sa GMA Asia- novela: The Heart of Asia FB page, ipinangalandakan ang supposedly main cast ng “Descendants of the Sun” Pinoy version.

Maliban kay Dingdong Dantes, na siyang gaganap sa papel na Big Boss na si Song Joong-Ki ang gumanap sa katauhang Captain Yo-Si Jin, ang mga pangmalakasang kasama ni Jose Sixto ay sina Jennylyn Mercado, Rocco Nacino at Jasmine Curtis Smith.

Kung totoo nga ito, dahil nga parang official FB page ang naglathala, si Mercado na ba ang Millennial Curacha, ang babaeng walang pahinga? Kasalukuyan pa kasing umeere ang kanyang romantic comedy at drama show na “Love You Two” kasama si Gabby Concepcion. Maganda ang public feedback dito kaya kataka-taka at gusto kong mahibang kung kay Jen nga ang lead role?

Ano ito, susulutin nila ang pagiging contract star ni Mercado? MWF with Gabby, TTHS with Dong? Maawa naman kayo sa binibini. Baka sobrang bumigay ang katawang lupa niyan kung agaran ang taping para sa DOTS. O baka naman maikli lang ang season nu’ng Concepcion at Mercado show kaya makakapagpahinga pa rin panandalian ang mahusay na kagandahan?

Hindi ko pinanood ang “Descendants” kaya wala akong malay kung sino ang mga katauhang ibibigay kay Jasmine at kay Nacino. Kung pagbabasehan ko ang thread, para sa mas nakararami, kung ito talaga ang casting, para sa kanila ay “perfect” ito.

Ang pinakamalaking kaba at nerbiyos ng mga kumuda at humanash, sana naman hindi masyadong baguhin ang kuwento kasi ang pool of writers mula sa Kapuso station ay masyado umanong nagiging melodramatic at nagiging malayong-malayo na sa orihinal.

Well, good break ito para sa Curtis who can act at hindi na siguro magpa-pouty lips ang kanyang Ate Anne dahil ayon sa mga humahanash, markado at panalo ang maaaring gampanan ni Jasmine. Ganire rin ang sentimyento ng mga kumukuda patungkol sa maaaring bigyang-buhay ni Nacino.

Ang diva that you love, ang dasal lang, sana tapos na ang “FPJ’s Ang Probinsyano” ‘pag umere na ito para naman magka-fighting chance sa ratings game. Sana rin, mapangatawanan rin nila ang artistic at production values lalo na nga’t may mga eksenang bakbakan at giyerahan sa Korean drama.

Carla natutulog sa pansitan

May humahanap-hanap ba at nagtataka kung bakit hindi masyadong nararamdaman si Carla Abellana? Ang huling serye niya ay ang mabilis pa sa alas-kuwatrong nawala sa ere, ang “Pamilya Roces.”

Matapos mapansin sa mahusay niyang pagganap bilang Lally dati sa “My Husband’s Lover,” lahat ng mga naging katauhan niya yata, sa telebisyon at mas lalo na sa pelikula, ay talagang nakakabagot at nakakaantok. Imbes na maging spaghetting pataas ang kanyang karera, naging spaghetting pababa.

Kung ganyan din lang ang mga kaganapan sa karera niya bilang ka-Siyete, kung saka-sakaling may magpaparamdam na offer sa kanya sa Mother Ignacia station, sagpangin na niya agad at walang duda, faster than a speeding bullet, aarya ang kanyang karera.

Maski itanong niya pa kina Ryza Cenon, Louise delos Reyes at ang babaeng walang apelyido sa kasalukuyan, si Jona.

Mahusay umarte si Carla at talagang maganda kaya kataka-taka at gusto kong mahibang na wala siyang work sa kasalukuyan.

Speaking of Carla’s dyowa, si Tom Rodriguez, ang aking impeachable source na pinanood na ang pelikula nitong “Maledicto,” ang kanyang hanash: “Dahil kaibigan ko si Tom, ayoko sanang magmaldita pero makakapagmaldita ka dahil sa pelikula. Pangit siya!”

Ay, ang hanash, nagmamataray, huh! Naku! Naku!
***

Audition ng bagong Darna iniintriga

Bagama’t marami ang nalulundag sa tuwa na may malawakang audition para sa paghahanap sa bagong “Darna,” may mga nagdududa at nang-iintriga pa rin na it’s a done deal already. Na kaya ginawa ang audition ay para lamang paigtingin umano ang pagka-mausisa ng publiko sa proyekto.

Kasi nga, ang daming kaganapan na ang nangyari. Nagbago ang direktor, mula kay direk Erik Matti, naging si direk Jerrold Tarog na. Nagbitiw si Liza Soberano. Ngayon ito naman ang eme.

Moro-moro na nga lang ba ito o sadyang wala pa talagang Darna? Dahil diyan, sa May issue ng Celebrity Radar, inyong bilhin kasi nga, ang diva that you love, may pangmalakasang pagbusisi tungkol kay Darna at sa kanyang importansya. ‘Yun lang!