tonite-imo-vinia-vivarSa kabila ng pagha­handa ni Jennylyn Mercado para sa kanyang upcoming drama ­series sa GMA-7 at dala­wang pelikula, naisingit pa ng ­Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado ang su­mali sa marathon sa Japan.
Puspusan na ang paghahanda ni Jen para sa nasabing marathon. Halos araw-araw ang kanyang training at work-out routine. Recently nga ay ipinost niya sa kanyang Instagram account ang picture niya habang tumatakbo at nilagyan niya ng hashtag na #roadtofujimarathon2019.

 

Sa November pa naman gaganapin ang Mt. Fuji International Marathon kaya marami pa siyang oras para mag-training.

 

Sabi ng aktres sa pana­yam ng “24 Oras,” kaila­ngang isama na raw niya talaga sa goal niya for this year ang pagsali sa nasabing marathon.

 

“Kasi, kung hindi ako magre-register at hindi ko talaga siya plano for this year, tatamarin lang akong tumakbo,” ani Jen.

 

Dating nahilig talaga sa triathlon si Jen pero ang pinaka-hate raw niya sa tatlong discipline ay ang running. Kaya malaking challenge daw talaga sa sarili niya na ito ang gagawin niya ngayon.

 

Dapat ay sa Hokkaido Marathon na gaganapin sa August sasali si Jen pero nagdesisyon siyang mag-register na lang sa Mt. Fuji International Marathon.

 

At siyempre, suportadong-suportado ng boyfriend niyang si Dennis Trillo ang bagong challenge na ito na kanyang papasukin.

 

Kinumpirma rin ng Ultimate Star na sasali rin siya sa Metro Manila Film Festival this year. Kung ano’ng pelikula ay hindi pa niya idinetalye.

 

Malapit na rin siyang magsimula ng bago niyang serye sa GMA-7 na “Love You Two” kung saan makakasama niya for the first time si Gabby Concepcion.

Igan wala pang ‘memory gap’ sa edad 53

 

Nilinaw ni Arnold “Igan” Clavio na wala pa naman siyang nararamdamang sen­yales ng “memory loss” or “memory gap” kaya siya inalok na maging endorser ng bagong Korean product na Brainew PS ng Cotrix Marketing, Inc.

 

 

“Wala naman (siyang memory loss),” ani Igan nang makausap namin sa grand launch ng Brainew PS. “Pero sa lifestyle kasi, like ako, lack of sleep, ‘di ba? Eh ayoko namang dumating ang time, saka pa ako maghahanap. Eto na, available na siya.”

 

May kasabihan nga raw tayo na prevention is better than cure at mabuti nang mag-take na nito ngayon pa lang.
“Saka sa trabaho ko naman ngayon, ako ang gumagawa ng Balitawit, ako nagre-­research ng ‘Sino’ (blind item portion nila ni Ali Sotto sa DZBB), kailangang gumana ang utak ko, kahit bina-bash ka na,” natatawa niyang sabi.
“Ano na ‘ko ngayon, 53,” dagdag pa  niya na ikinagulat nga namin dahil wala naman sa kanyang hitsura.

 

Pero hindi pa naman daw niya tinatanggap ang pagiging endorser ng Brainew at pinag-iisipan pa niya. Kaya nga raw dumalo siya sa launching.

 

“Nag-uusap pa lang. At least, kaya rin ako narito, gusto ko ring makinig sa mga experts, eh, bago ako sumagot ng oo, ‘di ba? First step is  naniniwala ako sa product.

 

“Pangalawa, opportunity ‘to na mas malaman ko pa ‘yung benepisyo, hindi lang para sa akin kundi sa nanay ko rin, ‘yung mga mother din ng mga kaibigan ko na medyo nakakalimot na. So, para may maikuwento ako,” aniya.
Okay naman daw sa network ang endorsement sa radio at binibigyan sila ng 2 minutes, basta huwag lang daw major sponsor talaga.
Ang dami na raw niyang na-endorse at ang kadalasang tinutulungan niya ay maliliit na kompanya at mababa rin naman daw ang TF (talent fee) compared sa normal commercial rate.

 

At 53 ay sobrang abala pa rin ni Igan. Dati raw ay sinabi niyang magre-retire na siya at the age of 50 para naman ma-enjoy daw niya ang buhay niya.
Naiba raw ngayon dahil sa pagdating ng social media. Parang na-challenge sila at parang kung baga ay nagsisimula ulit sila sa mainstream media.

 

“Hindi ko naman haha­yaan na ang social media eh mapalitan pa ang mainstream, tapos puro hatred, ‘di ba, puro intriga, hindi ganu’n, eh. Ang ganda ng social media, sana huwag abusuhin,” ani Igan.