Jennylyn Mercado
Jennylyn Mercado

SA ngayon ay sa Superstar Duets muna mapapanood si Jennylyn Mercado sa GMA 7 pagkatapos niyang pumirma ng renewal ng kontrata sa GMA 7.

Dapat kasi ay mauuna ang drama series na My Love From the Stars pero ang latest na nari­nig namin ay naka-freeze muna ito. Hindi rin masabi ni Jennylyn kung shelved na ba o waiting lang muna.

Wala pa kasing napiling leading man pagkatapos napagdesisyunang hindi na itu­loy si Alden Richards.

Sabi ni Jennylyn, mabuting huwag na lang ipilit. Makakapaghintay naman siya.

Enjoy ang Kapuso Ultimate Star sa bagong show niyang Superstar Duets dahil masaya ang mga kasama niya at bagong look ito para sa mga manonood.

Nanghinayang siya sakaling hindi ito matuloy pero mas mabuting hintayin na lang ang tamang panahon kung kailan na ito pupuwede at kung meron na silang nakitang mas babagay na leading man sa kanya.

Nagpapa-audition sila, pero so far, wala pang sinasabi sa kanya kung may napili na.

“Siguro, hindi lang talaga… wala lang sa ti­ming,” pakli ni Jennylyn.

Ayaw na lang i-dignify pa ng Kapuso star ang mga nakakarating na pamba-bash sa kanya mula sa grupo ng AlDub noong napabalitang gagawa sila ni Alden ng teleserye.

Hindi na lang niya binabasa para hindi siya maapektuhan.

“Pinili ko na lang na hindi i-check ‘yung mga comments, ‘yung account ko sa Twitter. Mas pinili ko na lang na hindi ko na lang basahin.

“Iba pa rin kasi ‘pag may nababasa kang negatives. Mas mabuting huwag mo na lang basahin,” saad ni Jennylyn.

Okay daw talaga ang loveteam ngayon nina Alden at Maine Mendoza, kaya okay na rin daw na sila muna ang magkasama.

***

Kapag sa lovelife ang mga tanong kay Jennylyn, ngiti at halatang iniiwasan niyang sagutin ang tungkol sa kanila ni Dennis Trillo.

jennylyn-dennis
Jennylyn at Dennis

Tila open si Dennis sa namamagitan sa kanilang dalawa, pero mas gusto ni Jennylyn na tahimik na lang.

All-out ang suporta ni Dennis sa projects ni Jennylyn. Bukod sa Superstar Duets, suportado ng Kapuso actor ang bagong album niyang Ultimate na magkakaroon ng grand launch sa September 23.

Sabi ni Jennylyn, mas okay na tahimik na lang. Isa ito sa natutunan niya sa mga nakaraan niyang relasyon na open sa lahat.

Ani Jennylyn, “Gusto ko pa ring magtira ng private na lang para sa sarili ko.

“Syempre, sa lahat na mga bagay, ‘yung personal mo, sa ‘yo na lang ‘yun at sa pamilya mo.

“Tulad na lang ‘yung sa pa­milya mo, si Jazz. ayoko na rin siyang pag-usapan. Kasi, gusto ko naman huwag na siyang isali sa showbiz, para lumaki naman siyang normal.”

Nang sinundan namin ng ilan pang katanungan tungkol sa kanila ni Dennis, ngumiti na lang ito at hindi na sumagot.