Jersey ididispatsa ni Bolick para makatulong

Jersey ididispatsa ni Bolick para makatulong

BUKOD sa talento sa paglalaro ng basketball at Mobile Legends, muling bumida si NorthPort Batang Pier star Robert Bolick.

Ito ay matapos niyang ianunsyo na isusubasta niya ang kanyang jersey.

Nabatid na nakipag-ugnayan na ang 24-anyos na cager sa isang auction company na ‘Off-Court Action: Auction For A Cause’.

Ang isusubasta ni former San Beda star ay ang kanyang ‘away’ NorthPort jersey na may number 8 at ang unang presyo ng bidding ay pumapatak sa P2,000.

Ang perang makokolekta ay napag-alamang gagamitin sa mga relief pack na ipapamahagi naman sa mga pamilyang nangangailanan at naapektuhan sa Bulacan dulot ng pandemic COVID-19.

Bukod kay Bolick ay marami na ring mga sikat na basketball player ang nakilahok sa subastahan gaya na nina Scottie Thompson, Baser Amer, Ian Sangalang, Paul Lee, LA Teneorio at iba pa. (AE)