Jessy, out na sa DARNA!

RELIABLE ang nagkuwento sa aming out na sa listahan ng gaganap na DARNA si Jessy Mendiola.

Malaki ang posibi­lidad na si Angel Locsin talaga ang gaganap dahil mukhang okay na ito at kakayanin niya ang stunts kung sakali.

Naging active si Angel lately at nagkakahilig ito sa diving.

Ayon sa aming source, ang Star Cinema pa rin ang magde-decide kung sino ang gaganap, at mukhang mas umaa­yon kay Angel.

Sila ang magkukumpirma kung sino na talaga pagkatapos mapagdesisyunan nina direk Erik Matti at ng Reality Films.

Dagdag pang kuwento sa amin, kailangan nilang simulan ito pagpasok ng taong 2017.

Hindi kaya pinaghahandaan na ito ni Angel?

Samantala, curious na rin ang karamihan kung sino si Nino Barbers kay Angel.

Lumabas sa isang blog ang isang item na nakuhan silang magkasama sa isang mall na pinagkakaguluhan ng fans.

Wala pang sagot si Angel tungkol diyan.

Kapansin-pansing lalo lang siyang gumanda.

Hindi kaya inspired na siya ngayon?

***

Nakausap namin ang isang taong malapit sa kampo ni Kris Aquino na early next month ay malalaman na rin kung ano ang programang gagawin ni Kris na ipo-produce ng APT Entertainment.

Kararating lang ni Kris mula sa ilang araw na bakasyon at mukhang aalis na naman ito ng bansa.

Kris Aquino
Kris Aquino

Wala pa ring nakuhang statement mula sa APT dahil wala rito si Mr. Tony Tuviera.

Nasa Europe pa raw ito sa bakasyon kasama si Mrs. Tuviera kaya wala siya sa nakaraang presscon ng Sunday Pinasaya anniversary.

Pati si direk Michael Tuviera ay nasa Japan kaya naiiwasan nila ang mga nangungulit tungkol kay Kris Aquino.

Hindi namin ma-gets kung ano ang gustong ipa­rating ni Kris sa huling post niyang may quote card na “Li­kers Gonna Like” at may caption na “A brand new perspective.”

Karamihang re­aksyon ng followers niya ay kontra sa paglipat niya. Gusto pa rin nilang ma­ging Kapamilya ito. Kaya naba-bash siya tuloy ng iba.