Ni: ARCHIE LIAO

Ayaw paawat ang “It’s Showtime” host na si Vice Ganda sa kanyang mga birada sa kontrobersyal na singer na si Jimmy Bondoc.

Noong Sabado lang sa ‘Bidaman’ portion ng nasabing noontime show, pinagtripan nito ang singer pati na ang contestant kung saan sinabi nitong ang mananalo ay ima-manage raw umano ng “Let Me the One” singer at ngayo’y PAGCOR AVP for Entertainment.

Kamakailan naman, muli na namang naging viral ang ginawa ng Unkabogable Star nang punahin nito ang isang ‘Tawag ng Tanghalan’ contestant.

Pang-uurot niya sa contestant: “Masayahin ka [pero] bakit ka lumungkot? Inunfriend ka ni Jimmy Bondoc sa Facebook?”

Pinagdiskitahan din ng comedian ang ‘Tawag Ng Tanghalan’ judge at acoustic singer na si Nyoy Volante tungkol kay Bondoc.

Sey niya: “Kaya ang tanong ng bayan, Nyoy Volante, friends pa ba kayo? (ni Bondoc).”

Dahil sa kanyang mga tirada, umani ito ng tawanan sa audience.

Sa ginagawang panggu-gudtaym ni Vice kay Jimmy, maraming netizen ang nagpapalagay na hindi nito lulubayan si Bondoc sa kanyang pang-uurot.

Matatandaang naging kontrobersyal si Bondoc nang tuligsain nito ang ABS-CBN dahil ninais niyang maipasara ito.