Dinakip ng mga pulis si dating Senador Jinggoy Estrada nitong Linggo habang namimigay ng mga isda sa mga residente ng San Juan City dahil sa paglabag diumano sa enhanced community quarantine (ECQ).
Sa video post ni Villanueva Pujas Baron sa Facebook, makikita na nilapitan si Estrada ng pulis na naka-camouflage at sinakay sa kanilang mobile para dalhin sa police station ng San Juan.
Kita rin sa video na naka-face shield si Jinggoy habang namamahagi ng mga isda sa mga taga-San Juan.
Inihayag naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na ang pag-aresto kay Estrada ay desisyon ng Philippine National Police (PNP) dahil umano sa pamimigay ng relief goods nang walang quarantine pass at clearance mula sa local government unit (LGU).
Sabi pa ni Zamora, hindi umano nasunod ang social distancing sa pamimigay ng mga isda ni Estrada kaya ito hinuli.
Samantala, sa tingin umano ni Estrada ay binabahiran ni Zamora ng politika ang kanyang pagtulong kaya siya inaresto.
Sa panayam ng CNN Philippines, nakiusap si Estrada kay Zamora na huwag nang haluan ng politika ang kanyang pagbibigay ng ayuda sa mga taga-San Juan sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“This is not the time to play politics. We are in a pandemic, we are in a crisis. Lahat ng tao kailangan nang pagkain, nandito kami para magbigay ng pagkain,” pahayag ni Estrada matapos siyang dakpin ng mga pulis habang namimigay ng ilang kilo ng bangus sa isang barangay sa San Juan.
Aniya pa, dalawang linggo na niyang ginagawa ang pamimigay ng bangus sa mga residente ng San Juan.
“Why are they singling me out? I think that is unfair. I’ve been a mayor here for nine years before. Gusto ko lang tumulong sa aking kababayan,” giit ni Estrada.
Sinabi pa nito na marami ring non-government organization at private individual na tumutulong kahit walang permit mula sa mga LGU.
Giit naman ni Zamora, sumunod na lang si Estrada sa batas lalo pa’t mabilis naman umanong kumuha ng permit sa San Juan.
“The former senator’s daughter wrote me a letter last April 29 because she wanted to distribute free medicines. In a matter of just one day, I released the certification for her,” paliwanag ni Zamora.
“Being a former lawmaker, being a former senator, he should just follow the law,” aniya pa. (Ray Mark Patriarca)