Kung may Coco Martin movie sa Metro Manila Film Festival nu’ng December 2019, meron ulit ngayong April 2020 sa first Summer Metro Manila Film Festival.

Pasok sa walong official entries sa SMMFF ang romcom movie ni Coco with Angelica Panganiban na “Love or Money” (produced ng ABS-CBN Film Productions, Inc.) sa direksyon ni Mae Cruz Alviar.

Originally ay Valentine offering dapat ito ng Star Cinema, kaya lang ay nagkaaberya nang hindi hindi matuloy ang shooting nina Coco at Angelica sa Dubai dahil sa Coronavirus outbreak.

Ang alam namin ay hindi pa tapos ang pelikula, pero itutuloy na raw ang shoot nito sa UAE. Napili ito base sa unfinished film na isinabmit sa screening committee.

Kung ang topgrosser nu’ng MMFF 2019 na “Miracle in Cell No. 7” ni Aga Muhlach ay local adaptation ng isang hit Korean film, meron ding gano’n sa Summer MMFF dahil Pinoy version ng hit Korean action film na “A Hard Day” (Viva Films) ang entry ni Dingdong Dantes.

Ang ganda ng trailer ng macho flick ni Dingdong na dinirek ni Law Fajardo.

Bongga ang magaganap na tapatan—Kapamilya Primetime King na si Coco vs. Kapuso Primetime King na si Dingdong!

Sino kaya ang maghahari sa takilya?!

PAK!!

Tililing ligwak

Tama ang hula namin kahapon na pasok sa Magic 8 ang pink movie ni Ms. Nora Aunor na “Isa Pang Bahaghari” (Heaven’s Best Entertainment) kasama sina Phillip Salvador at Michael de Mesa in gay roles.

Kung nagwaging Best Picture sa MMFF 2018 ang nauna ritong LGBTQ drama na “Rainbow’s Sunset,” mukhang may laban ulit ang bagong obra ni Direk Joel Lamangan, na sina Phillip at Michael naman ang tampok sa isang pink romance.

Tama rin ang hula namin na papasok ang horror movie ng Regal Films na “The Missing,” na bida sina Ritz Azul, Joseph Marco at Miles Ocampo sa direksyon ni Easy Ferrer.

Ito ang nag-iisang horror entry at applauded ang bonggang trailer nito kahapon sa SMMFF presscon, tulad din nang una namin itong mapanood sa “Us Again” premiere night.

Ligwak ang comedy movie na “Tililing,” ang pumasok ay ang comedy-romance-fantasy nina Alex Gonzaga at Xian Lim na “Love the Way U Lie” (TinCan, Ten17P at Viva Films) na dinirek ni RC delos Reyes.

Pinusuan din ng screening committee ang romance movie nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez na “Ngayon Kaya” (T-Rex Entertainment) sa direksyon ni Prime Cruz.

Romance genre rin ang “Tagpuan” (Alternative Vision Cinema) nina Iza Calzado, Alfred Vargas at Shaina Magdayao na dinirek ni McArthur Alejandre.

At gaya ng “Isa Pang Bahaghari” ay family drama rin ang “Coming Home” (Maverick Films) na comeback movie ni Senator Jinggoy Estrada.

Nagkatotoo ang biro namin sa matalik na magkaibigan na sina Kuya Ipe at Sen. Jinggoy na magiging magkalaban sila bilang Best Actor sa Summer MMFF.

Ang kuwelang reaksyon dito ni Sen. Jinggoy ay, “Eh ‘di priority ang senior citizen!” sabay tawa.

66-anyos na si Kuya Ipe at 57 naman si Sen. Jinggoy.

Bale 24 films ang isinambit sa Summer MMFF, na magaganap sa Black Saturday, April 11 up to April 21, in all cinemas nationwide.

So actually, hindi lang ito Metro Manila-wide kundi nationwide.

Ang Parade of Stars ay sa April 4, na ang maghu-host ay Quezon City government. Ang awards night ay sa Easter Monday, April 13, sa New Frontier Theater.