Ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ni da­ting Senador Jinggoy Estrada para idismis ang kasong plunder kaugnay sa pagkakasangkot niya sa multi-bilyon pork barrel scam.

Sa botong 6-4, pinaboran ng mga mahistrado ang naunang desisyon ng Ombudsman na may sapat na ebidensiya laban kay Estrada sa kasong plunder, ayon kay SC spokesman Theodore Te.

Matatandaan na si Estrada ay pansamantalang nakalaya noong Setyembre 2017 matapos siyang payagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa ng P1 milyon, dahil mahina umano ang ebidensiya laban sa dating senador.

Kinasuhan ng plunder si Estrada dahil ang P183 milyong halaga ng kanyang Priority Development Assistance Fund, o pork barrel fund, ay napunta sa mga ghost NGO ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.