SI Jiro Manio ang isa sa napag-usapan namin kay Ai Ai delas Alas nang pumirma ito ng renewal ng kontrata sa Centennial Food Corporation.
Ayaw na sana ni Aiai na iparating pa sa press ang kalagayan ngayon ni Jiro dahil mas mabuting tahimik na lang ito.
Tama na raw iyung napabalita noong ibinalik na lang niya sa isang rehabilitation center, pero ayaw na niyang ikuwento ang buong detalye dahil mas mabuting tahimik na lang si Jiro sa rehab.
Napag-usapan lang ito ngayon dahil sa kumalat na balitang natagpuan itong patay sa Cainta.
Kaya ipinost ni Ai Ai sa Instagram ang usapan nilang dalawa.
Sa totoo lang, mukhang matatagalan ang pamamalagi ni Jiro sa rehab center.
Hindi ang pagiging drug user ang problema ni Jiro kundi meron na raw itong sakit sa pag-iisip.
“Hindi na addiction ang sakit niya, iba na. Kaya lang, hindi siya safe sa labas, mas okay na siya dito,” pakli ni Ai Ai.
“Sa totoo lang, for life, okay na siya du’n. Pero hindi ko sinasabi sa kanya.
“Nu’ng nakausap ko nga siya, niloloko nga niya ako. Sabi niya sa akin, ‘Ma, baka paglabas ko papatayin nila ako.’
“Sabi ko, hindi ka papatayin, basta diyan ka lang. Basta pag nasa loob ka, hindi ka mamamatay.
“Hindi siya puwedeng lumabas, hindi na siya capable, eh. Di ba, nilabas ko na nga siya? Hindi ba kayo nagtataka, ipinasok ko siya uli?
“Kasi, hindi na siya normal, eh. Marami siyang sinasabi na hindi na siya normal.
“Basta nasa malayong lugar si Jiro, sa rehab. Du’n muna siya siguro dahil mas safe siya du’n.
Para hindi na rin magulo ang buhay niya,” pahayag pa ni Ai Ai.
Samantala, nagpapasalamat naman si Ai Ai sa Diyos dahil patuloy pa rin siyang sinusuportahan ng mga produktong ini-endorse niya.