NAPAGBIGYAN ang GMA News team na kunan ang pagdalaw ni Ai Ai de las Alas kay Jiro Manio sa isang facility center na tinutuluyan ng da­ting child actor.

Ilang buwan nang naka-rehab doon si Jiro at ngayon pa lang siya na­dalaw ni Ai Ai.

Bahagi iyun ng program ng naturang faci­lity center na kung saan bibigyan ng pagkakataong kausapin ng pasyente ang isang taong malapit sa kanya.

Si Ai Ai ang ihinarap kay Jiro dahil ito ang itinuturing na nanay-nanayan ng aktor.
Hindi napigilan ni Ai Ai na maiyak nang magpasalamat si Jiro sa kanya.

Sabi nito kay Ai Ai, “Nagpapasalamat ako sa ‘yo hindi dahil sa tinulu­ngan mo ako, dahil ni-rescue mo ako.

“Saka humihingi ako ng tawad dahil wala akong nagawa nu’ng time na parang naguguluhan ako.”

Sinabi na rin ni Jiro sa panayam sa kanya ng GMA News na gusto na niya talagang magbago.

Kaya tatapusin niya ang program na dapat niyang gawin sa loob ng rehab.

Ayaw niyang pilitin ang sariling makalabas at baka lalo lang siyang ­mapahamak.

“Gusto ko nang magbago. Gusto ko nang magbagong-buhay. Ayokong pilitin ang sarili ko na baka magsisi lang ako at kung ano pa ang mangyari sa akin,” ­pahayag ni Jiro.

Hindi pa namin nakausap si Ai Ai tungkol sa naramdaman niya pagkatapos niyang nadalaw ang itinuturing niyang anak-anakan.

Sa October 22 ng 8:00 PM sa Trinoma, ipalalabas sa QCinema International Film Festival ang pelikula niyang Area na ginawaran ng Special Jury Prize sa nakaraang 12th Eurasia International Film Festival sa Kazahkstan.

Ito bale ang closing film ng naturang filmfest ng Quezon City.

One Response