Job fair dinagsa sa Parañaque

Kasabay sa selebrasyon ng Migrant Worker’s Day ay dinagsa ng mga aplikante ang isinagawang international at local Job Fair ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang parte ng Serbisyo Caravan sa Brgy. Don Galo Sports Complex, Parañaque City.

Tinatayang nasa 1,000 katao mula sa kabuuang 2,000 na dumalo sa nasabing programa ang nakapag-apply sa iba’t-ibang kumpanya na nagsagawa ng on-the-spot hiring.

Hatid ng DOLE, Grab PH, at ng bagong partners ng PCUP na Find Work PH at OWWA ang nasabing job fair. Kasama nila sa pagbibigay ng employment opportunities ang mga kumpanya gaya ng Outsource Asia International Multi-purpose Corp, Demo Power Philippines Inc., JBCO, Stellar Manpower, Miescor, Le Chef, Job Provider Manpower, at iba pang pribadong ahensya na naghahanap ng mga kwalipikadong manggagawa.

“Sa pamamagitan ng isinasagawa nating Caravan at bago nating partnerships ay inaasahan nating mas marami pa tayong mahahatidan ng tulong sa iba’t-ibang parte ng bansa,” ani Chairperson/CEO Alvin Feliciano.

Dagdag pa niya ay ang hangad ng komisyon na ma-bigyan ng mas pinalakas na kapabilidad ang mga maralita gamit ang dagdag na job opportunities upang makatulong sa pagpapagaan ng kanilang buhay.