Dapat papurihan ang mga awtoridad na nagtrabaho para madakip ang tatlong pangunahing suspek sa pambobomba sa night market sa Davao City noong September 2 na ikinasawi ng 15-katao.

Kabilang sa mga naaresto si TJ Macabang, ang triggerman na siyang pumindot para sumabog ang bomba, ang bomb courier na si Wendel Facturan at ang nagdokumento ng pangyayari na si Musali Mustapha.

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang mga suspek ay pawang kasapi ng Maute group na nagnanais aniyang sumapi o magpakita ng suporta sa ISIS.

Ang tatlo ay nadakip sa isang checkpoint at nakuha sa kanila ang ilang armas at pampasabog.

Hindi umano bababa sa sampu ang nagtulung-tulong para maisakatuparan ang krimen na hinati-hati sa tatlong team.

Nakuha sa mga nadakip na suspek ang actual video ng Davao bombing na mismong ang mga suspek ang kumuha gamit ang kanilang cellphone.

****

Job well done din sa sunud-sunod ang malala­king accomplishment ng Quezon City Police District (QCPD) sa pangunguna ni Acting Director Senior Supt. Guillermo Eleazar.

Mula sa paglaban sa iligal na droga hanggang sa pagresponde sa simpleng mga krimen sa kalsada, naging aktibo ang buong puwersa ng QCPD.

Kabilang na rito ang pagkakadakip sa ilang mga artista at modelo na nasasangkot sa droga tulad ni Krista Miller o Krystalyn Engle sa totoong buhay na naaresto sa isang buy-bust operation matapos siyang ituro na pinanggagalingan ng droga ng dalawang modelo na nauna nang naaresto. Ang dalawang modelo ay sina Liaa Alelin Bolla at Jeramie Padolina.

Kamakailan lamang din, naaresto sa buy-bust operation ang dating sexy actress na si Sabrina M na ang totoong pangalan ay Karen Pallasigue. Nakuha mula sa kanya ang tatlong hinihinalang sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Nang dahil naman sa matiyaga at mabusising pagtunton at pag-iimbestiga ng QCPD partikular na ang Criminal Investigation and Detection Unit, mga elemento ng QCPD Station 7 at mga ipinakalat na tracker team ay mabilis na naaresto sa ikinasang hot pursuit operation ang suspek sa pagpatay sa isang traffic enforcer ng Quezon City. Ang suspek ay nadakip sa Aparri, ­Cagayan nitong Lunes ng gabi, October 3.

Isang drug suspect naman na sinasabing number 1 sa drug watch list ng Masambong Police Station ang napatay, habang 34 iba pa ang naaresto sa entrapment operation na isinagawa noong October 2, araw ng Linggo, sa Barangay Payatas.

Humantong naman sa pagkakadakip ng 90 hinihinalang drug user, at pagkakapatay ng dalawang hinihinalang tulak ang malaking operasyon na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency­ (PDEA) katuwang ang QCPD sa Payatas. Isa sa mga napatay ay dati pang pulis na si Ex-PO1 Ericsander Gray na kilala umanong distributor ng shabu sa Barangay Payatas at Bagong Silangan.

Dahil sa ipinapakitang “leadership by example” ni Director Eleazar, halatang inspirado at mataas ang morale ng mga miyembro ng QCPD na ang resulta — malaking benepisyo sa mga mamamayan sa lungsod dahil sa pagbaba ng krimen at dahil sa mas maayos at mapayapang mga komunidad.

Kasama rito ang mga pinuno ng Station Anti-Illegal Drugs na sina: Chief Inspector Erwin Guevarra ng Station 2; Chief Inspector Rey Morcillo ng Station 3; Senior Inspector Syrill Dagusin ng Station 4; Inspector Mario Pascual ng Station 6; Senior Inspector Ramon Aquiatan ng Station 7; at Chief Inspector Marciano Navarro ng Station 11.

Papurihan din natin ang mga bumubuo ng QCPD-District Anti-Illegal Drugs na nasa pamumuno ni Supt. Godfredo Tul-o.

Sila ang mga nararapat na umani ng respeto ng mamamayan dahil sa tapat na pagganap sa tungkulin.

Puntos nila ito kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil kabilang ito sa natupad sa kanyang mga ipinangakong pagbabago na nagawa sa kanyang ika-100 araw sa tungkulin bilang pangulo.