HINDI kami sinagot ni Vice Governor Jolo Revilla nang kinulit namin ng tanong tungkol sa huling post niya sa kanyang Instagram account na kung saan kasama niya si Jodi Sta. Maria.
Parang recent lang ang kuhang iyun na ang ganda pa ng ngiti nilang dalawa.
Sabi ni Jolo sa amin, magkaibigan lang sila kaya nagkakausap sila. Hindi na niya sinabi sa amin kung ano ang pinag-usapan nila.
Nakakaintriga lang kasi ang caption sa post na iyun sa IG, “Just because something isn’t happening for us right now does not mean that it will never happen.”
Isang matamis na ngiti lang ang sagot sa amin ni Jolo nang pinapa-explain namin ang post na iyun.
Basta, tinitiyak niya sa aming hindi sila nagkabalikan. Kung posibleng magkabalikan sila, hindi niya masasabi.
Basta, okay raw sila as friends.
Nasilip uli namin kahapon sa IG account ni Jolo, magkasama na naman sila ni Jodi sa gym.
Ang saya ng mukha nilang dalawa.
***
Hiningan namin ng reaksyon si Mayor Lani Mercado na napapangiti lang habang pinag-uusapan namin ito ni Jolo.
Sabi lang niya, “Love will find the way. ‘Yun lang ang masasabi ko. Kung talagang sila para sa isa’t-isa, magiging sila pa rin naman eh.
“Sino ba ako para humadlang if they are really meant for each other? Kung sila ang nagkakatulungan, nagkakasundo at nagmamahalan, sino ba naman ako para humadlang du’n?”
Basta makita lang niyang masaya ang anak niya, doon siya. Kung si Jodi ang nagpapasaya kay Jolo, hindi niya ito hahadlangan dahil ang tanging hangad lang niya ay magiging masaya ang kanyang anak.
***
Naibahagi rin sa amin ni Mayor Lani na kakaibang experience pala nu’ng nakaharap na niya ang mahigit 2,000 drug pushers at users na sumuko sa kanya.
Gusto raw niyang tiyakin kung talagang taga-Bacoor lahat ang mga iyun.
Nagulat siya na ganu’n karami ang mga involved sa droga at ngayon ay sumuko na sila at gusto nang magbagong-buhay.
Doon sa mahigit 2,000 na nag-surrender sa kanya, halos 40 roon ay minors. Kaya ipinasa niya ang mga ito sa DSWD.
Nang sumuko sa kanila ay ipinagdasal daw nila ito na sana, tuluy-tuloy na ang kanilang pagbabagong buhay.
Alam nila na hindi ganun kadali ang pagbabagong-buhay kaya kailangan nilang i-monitor sila nang mabuti.
Ani Lani, “Ipinagdasal namin sila, Nagkaroon ng prayer of deliverance.
“Kasi, mahirap talaga, kumbaga, ihinto nang biglaan ang bisyo ng droga, Nandiyan ‘yung withdrawal, maraming pagdadaanan.
“Kaya, gagawin naming community-based ang approach. Magkakaroon kami ng activities for them para may close monitoring sa kanila.”
Kailangan nila ng suporta ng gobyerno na makapagpatayo sila ng maayos na rehab center.
Alam nila na seryoso ang gobyerno sa ilalim ng pamumuno ni Pres. Rodrigo Duterte sa kampanyang pagsugpo sa bawal na gamot.
“I believe nag-appropriate sila ng budget for new rehab centers sa buong bansa. Sana, magkaroon ng provincial o sa malalaking siyudad na magkaroon ng appropriation o may lupa ba na tatayuan.
“Hindi biro ang magtayo ng rehab center. Parang hospital din ito na mas grabe pa sa hospital. Mas mahirap ito,” pahayag ni Mayor Lani.
Natutuwa siya dahil magmula nang sumuko itong mga drug pushers at users doon sa Bacoor, bumaba talaga ang crime rate sa kanilang bayan.
“Malaki talaga ang asosasyon ng droga sa krimen. Masasabi nating bumaba talaga ng crime rate sa Bacoor, kasi, drug-related talaga ang karamihang krimen doon,” saad pa ng Bacoor Mayor Lani Mercado.