Jodi naawa sa inarestong tsuper

Naawa si Jodi Sta. Maria na anim na tsuper na inaresto matapos manawagan ng balik-pasada sa Metro Manila.

Nag-react ang aktres tungkol kay Elmer Cordero, kabilang sa mga miyembro ng transport group Piston na dinetene sa New Caloocan City Hall matapos mag-rally noong Hunyo 2.

“They just wanted to make an honest living but were arrested and charged for ‘disobedience to social distancing’ Kasi mahirap? Kasi simple? Pero pag…i’ll end it there,” sambit ni Jodi sa Twitter.

“Pulis Kalookan…anong ginagawa nyo?,” usisa niya pa.

Nagsagawa ang mga tsuper ng protesta sa EDSA para payagan nang rumonda ang mga lumang dyip, ngayong sinailalim ang Metro Manila sa mas maluwag na general community quarantine.

Higit 2 buwan na silang tigil-pasada, sa utos ng gobyerno na suspendihin ang pampublikong transportasyon.

Sa plano ng DOTr, mula Hunyo 1 hanggang 21 ay tanging papayagang rumonda ang mga tren at bus augmentation, taxi, TNVS (transport network vehicle services), shuttle service, point-to-point bus, at bisikleta. Pwede rin ang mga tricycle ‘pag pinayagan ng kanilang local government unit.

Sa Hunyo 22 hanggang 30 naman papayagang sumali sa pagbiyahe ang mga UV Express, public utility bus, at modern PUV o jeep. (SDC)