MULI na namang kinilala ang ABS-CBN Corporation sa International Emmy Awards dahil nakakuha ng nominasyon ang Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria at ang teleseryeng “Bridges of Love” para lumaban sa prestihiyosong kumpetisyon ngayong taon.

Tumanggap ng nominasyon si Jodi para sa kanyang natatanging pagganap bilang si Amor Powers sa 2015 remake ng “Pangako Sa ‘Yo.”

Lalaban siya sa Best Performance by an Actress category kasama sina Judi Dench (United Kingdom), Grazi Massafera (Brazil), at Christiane Paul (Germany).

Samantala, makikipagtunggalian ang “Bridges of Love” sa Best Telenovela cate­gory sa mga telenovela mula sa Canada at Brazil.

Ang “Bridges of Love” ay tungkol sa malalim na ugnayan ng magkapatid na sina Gael (Jericho Rosales) at JR (Paulo Avelino).

Pinagbuklod sila ng pangako sa isa’t isa, pinaglayo ng trahedya, at pinag-ugnay ng club dancer na si Mia (Maja Salvador).

Ito ang ang unang Filipino­ drama na ipina­labas sa Latin American region, partikular sa bansang Peru, via PanAmeri­cana. Sinundan ito ng “Pangako Sa’yo” remake nina Jodi na kasaluku­yang napapanood sa nasa­bing Peruvian TV channel. Bukod sa Peru, naipalabas na rin ang dalawang titulo sa iba’t ibang bansa sa Asya at Africa.

Tanging si Jodi at ang “Bridges of Love” lang mula Pilipinas ang nakasama sa 40 nomi­nees na kinilala sa sampung kategorya at 15 bansa sa International Emmy Awards ngayong taon.

Noong nakaraang taon, napili si ABS-CBN chief content officer Charo Santos-Concio bilang Gala Chair ng 43rd International Emmy Awards kung saan pormal niyang binuksan ang gala sa pamamagitan ng isang talumpati kaharap ang pinakamahuhusay na producers, creatives, at talents mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Siya ang unang ­Filipino Gala Chair na naimbitahan sa prestihiyosong event.

Una nang nakatanggap ng nominasyon sa International Emmy® Awards ang ABS-CBN para sa “Precious Hearts Roman­ces Presents: Impostor” (Best Telenovela) noong 2011, “Dahil May Isang Ikaw” (Best Telenovela) at Sid Lucero sa “Dahil May Isang Ikaw” (Best Actor) noong 2010, at “Kahit Isang Saglit” (Best Telenovela) at Angel Locsin sa “Lobo” (Best Actress) noong 2009.

Paparangalan ang winners sa isang seremonya sa Nobyembre 21 sa Hilton New York Hotel.

Ang International Emmy Awards ay iginagawad ng International Academy of Television Arts & Sciences.

Ang “Pangako Sa ’Yo” at “Bridges of Love” ay ilan lang sa maraming Kapamilya shows na napapanood sa ibang bansa sa pamamagitan ng ABS-CBN International Distribution.

***

Hindi natinag ang suporta ng mga manonood sa kiligseryeng pinagbibidahan nina James Reid at Nadine Lustre na “Till I Met You” matapos itong mamayagpag sa ratings sa bago nitong timeslot noong nakaraang linggo.

Kinapitan ng fans ang bawat nakakikilig at nakakaiyak na eksenang dala nina Iris (Nadine Lustre) at Basti (James Reid) kaya nakapagtala ang Kapamilya teleserye ng average weekly nationwide rating na 18% (Setyembre  19-23), higit­ na mataas kumpara sa kata­pat nitong palabas na “Someone to Watch Over Me” na nakakuha lamang ng 11.3%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Bumuhos ang nag-uumapaw na suporta ng netizens para sa kanilang pinakapaboritong loveteam matapos na umani ng halos two million tweets ang official hashtag ng episode noong Miyerkules (Sept 21) na #TIMYTheRooftopKiss at manguna sa listahan ng trending topics sa Twitter.

Hindi rin pinapalagpas ng mga manonood ang bawat episode ng naturang teleserye kaya ngayon ay umabot na ito sa higit-kumulang na 3.5 million views sa iWant TV mula nang umere ito sa telebisyon noong nakaraang buwan.

Huwag palampasin ang pamamayani ng tunay na pag-ibig sa “Till I Met You,” gabi-gabi pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch. 167).

Para sa past episodes ng programa, mag-log on lamang sa iWanTV o saskyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.

***

Sa huling bahagi ng fifth anniversary special ng I Juander ngayong Miyerkules (September 28),  ipagpapatuloy nina Susan Enriquez at Cesar Apolinario ang kanilang tour sa Israel.

Makikipag-bonding ang I Juander hosts sa mga Pilipinong nakiki­pagsapalaran sa Lupang Pangako, tulad na lamang ng 16 taong gulang na si Howie Danao na gumagawa ngayon ng pangalan sa larangan ng musika.

Tutuklasin din ng I Juander ang iba pang yaman ng kasaysayan ng Israel.

Nariyan ang ba­yan ng Ginosar kung saan nahukay ang isang bangka na mahigit 2,000 taon na ang tanda. Posible kaya na  sumakay dito mismo si Hesus?

Papasyalan din nina Susan at Cesar ang bayan ng Magdala kung saan isinilang at lumaki ang isa sa kila­lang karakter sa Bibliya — si Maria Magdalena.

Dito rin daw matatagpuan ang labi ng pinakamatandang synagogue sa buong Galilee. Totoo kayang dito mismo nangaral noon si Hesus?

Tumutok na sa huling hirit ng “Israel, Ang Biyahe Sa Lupang Pangako” ng I Juander ngayong Miyerkules, 8:00 PM sa GMA News TV.

One Response