Jodi tinawanan sina Jolo, Angelica

Naawa kami kay Jodi Sta. Maria dahil halos wala siyang boses at hirap na hirap magsalita kahapon sa presscon ng movie nila ni Gabby Concepcion na ‘Man and Wife’.

Ani Jodi, pagbalik niya mula sa Lenten vacation niya with her family sa Thailand, nagsimula ‘yon sa sore throat, tapos ay naging ganu’n na. Sobrang paos na niya at hirap nang magsalita.

May nakuha raw yata siyang bug doon sa Thailand, pero okey naman daw siya.
First time nakatrabaho ni Jodi si Gabby at ang direktor ng ‘Man and Wife’ na si Direk Laurice Guillen.

At first ay na-intimidate daw siya sa dalawa, but they made her feel at ease sa buong shoot. Thankful siya sa opportunity na makatrabaho ang mga ito sa isang magandang proyekto.

“As an actor, magaling talaga siya. And as a person kahit na he’s Gabby Concepcion, he’s very humble,” sey ng Kapamilya actress.

May intimate scenes sila ni Gabby, na kinunan nu’ng gabi ng first shooting day ni Jodi. As in unang araw ng shoot ay may love scene agad.

“Naloka talaga ako. Tapos, Gabby Concepcion?! Hindi ko alam kung paano ko siya hahawakan, paano ko siya hahalikan,” natatawang bulalas ng 36-an­yos na aktres.

Sey ni Jodi, bukod sa ngayon nga lang sila nagkatrabaho ay hindi pa siya nakakapag-warm up kay Gabby, tapos ay biglang intimate scene na agad ‘yung mangyayari.

“Pero I must say na napaka-gentleman ni Mr. Gabby Concepcion. Tala­gang mararamdaman mo na walang taking advantage at talagang nakaalalay siya.”

Isa raw ‘yon sa very few intimate scenes na nagawa ni Jodi. Huli siyang nakipag-love scene ay 2015 pa sa remake ng teleseryeng ‘Pangako Sa ‘Yo’.

Ang sabi sa amin ni Jodi, wala naman sa kontrata niya na bawal siyang makipag-intimate scenes, pero nagkakataon daw na ang mga project na ginagawa niya ay hindi nagre-require ng gano’n.

Pero siyempre, meron daw katulad ng ‘Man and Wife’ na talagang kakaila­nganin ang mga ganu’ng eksena.

“Kasi, alangan namang man and wife kayo, magtiti­tigan at magdya-Jack en Poy lang kayo, ‘di ba?” hirit ni Jodi sabay tawa.

Kuwento pa niya, kailangan daw ulitin ‘yung intimate scene nila ni Gabby para mas mapaganda pa at maipakita na komportable sila sa isa’t isa. And they real­ly miss each other.

Hirap talagang magsalita si Jodi, so after the open forum ay nagpapaalam na siya dahil may apat na interview pa raw siyang kasunod.

In fairness ay naisi­ngit pa rin na­ming itanong sa kanya kung anong reaksyon niya sa balitang engaged na raw ang ex-boyfriend niyang si Jolo Revilla sa beauty queen girlfriend nitong si Angelica Alita.

Natawa si Jodi sa tanong namin at nagdayalog ng “I know it’s not for me to comment because you guys know naman that we’re no longer together,” tapos ay nag-goodbye na siya.

Sa May 8 ang showing in cinemas nationwide ng Mother’s Day offering ng Cineko Films at Cinescreen na ‘Man and Wife’.
***

Aktres inalisan ng kumot sa tikiman kay Gabby

First time nakatrabaho ni Direk Laurice Guillen si Jodi Sta. Maria.

Naalala niya na isa raw si Jodi sa Star Magic teen girls na tiningnan niya noon kung puwedeng magbida sa ‘Santa Santita’.

Kay Angelica Pa­nganiban napunta ang role, na pinili ni Direk Laurice dahil may kabaitan at kamalditahan daw si Angge. Hindi niya raw nakita ‘yon noon sa 16-anyos na Jodi, na true naman dahil parang walang kamalditahan si Jodi.

Most charming actor ang description ni Direk Laurice kay Gabby Concepcion. Kay Jodi ay lady kung i-describe niya dahil may behavior daw ito na well mannered. But you cannot just reach her daw, you have to find a way to reach her.

Walang problema si Direk Laurice kay Jodi, pero medyo nagkaproblema raw sa kinunan nilang loves scenes.

Kailangan kasing maipakita ang playfulness ng mag-asawang Gabby-Jodi roon sa love scene. Wala namang hubaran, pero kinausap daw niya si Jodi para maging passio­nate ‘yung scene.

Natawa ang premyadong direktora dahil nagtago raw sa ilalim ng kumot si Jodi. Halatang nahihiya ang aktres, so pinagawa niya raw ulit na wala nang kumot.

Si Gabby ay naidirek na niya noon sa apat na pelikula, panlima na nila ito. Hindi raw ito nagbabago and he’s the most charming actor sa mga nakatrabaho ni Direk Laurice.

Hindi raw ito nagpapakita ng galit o bad manners sa set, very professional at marespeto kaya bilib siya dito. Paborito niya raw si Gabo dahil masarap itong katrabaho.