Magsasama-sama diumano ngayong araw na ito ang tinaguriang ‘The Lord of Scents’ na si Joel Cruz at ang mga artistang nabiktima ng scam para ibunyag ang ginawang panloloko sa kanila ng Brunei-based Pinay businesswoman na si Kathelyn Dupaya.
Nabatid din na nagsampa na si Cruz ng kasong estafa laban kay Dupaya sa Quezon City Prosecutor’s Office at kinuha niyang abogado si Atty. Ferdinand Topacio.
Nag-invest ng P40 million si Cruz kay Dupaya pero pumalya ito na bayaran siya.
Kasama ni Cruz ang ilang mga artistang na-scam din ni Dupaya na haharap ngayon sa media. Kabilang dito sina Sunshine Cruz, Ynez Veneracion, Ara Mina at iba pa.
Samantala, nag-react din si Sunshine sa pahayag ni Dupaya na mahigit apat na taon na ang kanilang transaksyon habang si Ynez ay mahigit dalawang taon na.
Ipinagdiinan kasi ni Dupaya na walang scam na nangyayari kundi delayed lang ang pagbabayad sa kanila.
“Kuya Roldan fyi po, mid 2015 ko lang nakilala si Kath Dupaya. I was invited to sing sa birthday ng anak nya sa Sofitel. Pano naging mahigit 4 years na naka invest ako sa kanya? She’s even spreading na nakapagpatayo daw po ako ng house dahil sa kanya. Early 2014 pa lang po may house na ako. Hope she clears her mind first before saying things that are far from true. Nakakalungkot talaga ang nangyayari,” komento ni Sunshine sa Facebook post ng banner story ng Abante Tonite tungkol sa scam.
Nang tanungin si Sunshine kung bakit inalis niya ang post sa FB tungkol sa taong hindi siya binabayaran ay ito ang paliwanag ng aktres: “I have too much things to do and think about kaya si lawyer ko na lang ang umaasikaso. Dagdag stress lang kasi ito. Praying and hoping this person delivers what was promised para happy na ang lahat at di na lumaki ang gulo.”
Hindi rin umano niya tinanggap ang demand letter na pinadala sa bahay ni Dupaya.
“Ang problema sa kanya sinasabi nya na nabawi na namin ang pera sa interes. Nabawi o hindi she needs to return our money. Wala namang usapang kapag nakabawi na eh di na nya ibibigay ang principal.
“Pati itinuturing ngang kaibigan tinalo nya. Kawawa naman kami mga single moms kami. We just want our hard earned money back,” deklara pa ni Sunshine.
Ayon sa source, nag-umpisa ang delay ng pagbabayad sa mga nag-invest kay Dupaya noong kalagitnaan ng 2017 at hanggang ngayong 2018 ay wala na diumanong ibinabayad.
Ilan pa sa mga biktima diumano ni Dupaya ay sina Dianne Medina, Joross Gamboa at Ketchup Eusebio.