tonite-pak-allan-diones

Sa Cebu na nakatira si Kaye Abad dahil tagaroon ang husband niyang si Paul Jake Castillo.

Cebu-based din ang dating ka-loveteam at naging kasintahan ni Kaye na si John Lloyd Cruz, pero sa liit ng Cebu ay never pa raw sila nagkitang dalawa roon.

“Lagi naman akong nasa labas, pero hindi ko pa siya nakikita. Ang daming nagtatanong niyan, pero hindi pa kami nagkikita.

“Baka ayaw na ng tadhana na magkita kami. Kasi, maayos na raw ang mga buhay namin,” nakangiting bulalas ni Kaye kahapon sa grand mediacon ng bagong Kapamilya teleserye na “Nang Ngumiti ang Langit.”

Ah bakit, ‘pag nagkita ba sila ni John Lloyd eh masisira ang mga buhay nila?

Natawa lang si Kaye at hindi kinayang sagutin ang tanong namin.

Ang totoo ay wala raw silang contact ni Lloydie, so hindi siya kinuhang ninang ng anak nito kay Ellen Adarna at hindi rin niya ito kinuhang ninong ng anak nila ni Paul Jake.

“Hindi nga kasi kami nagkikita. Baka ‘pag nasa labas ako, nasa loob siya.”
Hindi naman sila nag-iiwasan?

“Hindi naman,” pakli ni Kaye.

Actually, si Paul Jake pala at si Ellen ay magkaibigan, pero wala na rin daw communication ang dalawa.

“Si Sarah Geronimo na nga lang ang hinihintay namin, eh! Chos!” tawa ni Kaye, na kaya nabanggit si Sarah ay dahil taga-Cebu rin ang nobyo nitong si Matteo Guidicelli.

As in hindi na raw talaga sila in touch ni John Lloyd. Sina Paul at Ellen ay magkaibigan, pero hindi raw ‘yung talagang magbarkada na they hang out together.

Huling nakausap ni Kaye si Lloydie ay noong girlfriend pa raw nito si Angelica Panganiban.

Happy ba siya para kay John Lloyd?

“Oo, kasi may anak na rin siya. Kumbaga, lahat kami may pamilya na.”
Ah talaga., may anak na ba si Lloydie?

Natawa lang si Kaye sa pambubuska namin at hindi ulit kami sinagot.

Nagulat ba siya na pinili ni John Lloyd na iwan ang showbiz at maging isang normal citizen sa Cebu kasama si Ellen at ng anak nila?

“Hindi. Kasi before pa, nu’ng nag-uusap kami (ni JLC), alam ko na siya ‘yung tipong ‘pag okey na siya, ready na siya, hindi ito ‘yung gagawin niyang pang­kabuhayan.

“Kumbaga, ‘pag nakaipon na siya, gagawa siya ng sarili niyang business. Hindi ‘yung pag-aartista ang gagawin niyang source of income. Na-gets n’yo?” sey pa ng nagbabalik-showbiz na si Kaye.

Masaya raw at kuntento ang married life ng 36-anyos na aktres, kaya hindi niya nire-reg­ret na iniwan niya ang showbiz for a while para sa buhay-pamilya niya.

Ang huli niyang teleserye ay “Two Wives” pa 4 years ago. Aminado siyang nami-miss pa rin niya ang showbiz kaya pumayag siya sa bagong serye ng ABS-CBN dahil 15 taping days lang siya rito.

Nanay ng bidang bagets na si Sophia Reola ang role ni Kaye sa “Nang Ngumiti ang Langit,” na magsisimula na sa Lunes (March 25) kapalit ng “Playhouse” bago mag-“It’s Showtime!”