John Lloyd malaki ang itinanda

john-lloyd-cruz

ROMMEL PLACENTE: Magbabalik- showbiz na raw si John Lloyd Cruz after niyang mawala sa sirkulasyon nang almost 2 years.

Nag-decide siyang manatili sa Cebu at mamuhay muna bilang isang ordinaryong tao sa piling ni Ellen Adarna at ng kanilang anak na lalaki.

May tsismis na gagawa muna siya ng TV commercial at susunod na ang muling pag-arte sa pelikula at teleserye.

Ang tanong: may babalikan pa ba siya? Maibalik pa kaya ang kasikatang nawala sa kanya? Kung gagawa siya ulit ng movie with his ka-love team Bea Alonzo, tangkilikin pa kaya ito ng kanilang mga tagahanga? Alam naman natin na may Ellen na siya at si Bea ay may Gerald Anderson na? Kayo mga ka-Cuatros, ano ang stand o masasabi ninyo sa pagbabalik-showbiz ni Lloydie?

RODEL FERNANDO: Sana nga hindi lang ‘yang endorsement na ‘yan ang balikan ni John Lloyd Cruz. Seryosohin din niya ang pagbabalik sa pelikula at TV. Marami na ang nakaka-miss sa kanya.

Kung sinasabing “Nora Aunor is Nora Aunor” na kahit sangkaterbang kanegahan ang pinukol sa kanya ay nandiyan pa rin at nananatili sa kanyang pedestal. Masasabi rin na “John Lloyd Cruz is John Lloyd Cruz”. In fairness, hindi matatawaran ang naiambag ni Lloydie sa Philippine movies at TV lalo na sa kanyang pagganap. Ninega man siya pero mananatili ang kanyang pangalan na nakatatak na sa showbiz.

At sana sa kanyang pagbabalik ay magkaroon sila ng reunion movie ni Bea Alonzo o kaya ni Sarah Geronimo. Puwede ring family drama na all-star cast. Huwag muna siyang gumawa ng malalalim na tema na pelikula. Kailangan sa kanyang pagbabalik ay commercial film ang gawin niya.

MILDRED BACUD: Kahit naman nu’ng aktibo pa si John Lloyd, alam naman ng tao na hanggang love team lang sila ni Bea Alonzo. Pero kahit may kani-kanyang lovelife, still, ang tambalan nila ang gumawa ng record sa box-office. May karisma lang talaga sila on big screen. Kaya naniniwala naman ako mga ka-Cuatros na may babalikan pa ang aktor. Kahit ipareha rin siya kay Sarah G, papatok pa rin.

Ang kahusayan ni Lloydie ang dahilan kung bakit gusto siya ng tao. Matagal naging isyu ang pagiging lasenggero daw niya pero hindi ito nakaapekto sa career niya. Minahal pa rin siya ng tao. Ang tanong lang d’yan, gusto na ba niyang bumalik? What if bumalik at lumayas na naman? ‘Pag nangyari ‘yun, baka du’n na manawa at mainis ang mga fan. Teka lang, babalik ba talaga? Sana naman. Hindi pa katagalan ang two years para makalimutan siya ng tao.

Alalahanin niya, ang mga umiidolo sa kanya like Arjo Atayde at Joshua Garcia na kinukumpara sa kanya ay magaganda na rin ang mga career.

RONALINE AVECILLA: Maraming tao na ang nananabik sa pagbabalik niya. Siguro naman na ang una niyang endorsement after 2 years ay magandang simula para buuin muli ang career niya.

Tama naman, may pangalan nang binuo ang aktor sa industriya at hindi basta-basta matitibag ang isang John Lloyd Cruz. Namahinga lang naman siya sa showbiz pero hindi ibig sabihin nito na natapos na ang sinimulan niya.

Ang dapat abangan nating mga fan ay kung anong John Lloyd Cruz ang makikita natin sa pagbabalik niya. Lalo na at malaki ang itinanda niya sa pamamahinga niya. Marahil dahil ganap na siyang ama.

Maging si Bea Alonzo nga ay excited sa pagbabalik niya. Ang sigaw ng mga fan ngayon ay ang final chance na nagsimula sa “One More Chance”. Ano man ang mangyari, hindi mawawasak ang Popoy at Basha phenomenon.