John Lloyd nagkamali kay Ellen

Hindi lang kasi basta pakikipagmahalan ang nakapaloob sa kanyang ginawa, literal pa niyang tinalikuran ang kanyang karera, ipinagpalit niya sa pagmamahal kay Ellen ang magandang takbo ng kanyang propesyon.

Pero hindi rin sila nagtagal, ni hindi nga nila natapos ang ikatlong taon nilang anibersaryo, nagkahiwalay rin sila.

Sa pananaw ng isang nagmahal at nagmamahal ay walang maling desisyon kapag puso na ang sangkot. Palaging tama ang sinasabi ng puso.

Tinatalo siya ng emosyon, para siyang kabayong may tapa-ojo, wala siyang nakikita sa kanyang paligid. Diretso lang ang kanyang tingin, hindi siya nagdadalawang-isip, kaligayahan lang ng kanyang puso ang pinakamahalaga sa kanya.

Nakapanghihinayang lang talaga ang halos tatlong taon niyang pagtalikod sa kanyang karera, isa pa naman si JLC sa mga itinuturing na poste sa pagganap sa kanyang henerasyon, pero pinalipas niya ang tatlong taon na wala siyang ginagawang proyekto.

Kung si Lloydie ang tatanungin kung meron ba siyang pinagsisisihan sa pakikipagrelasyon kay Ellen Adarna ay parang naririnig na namin ang kanyang isasagot.

Wala. Hindi siya nagsisisi. Ang kanilang pagmamahalan, sumuko man sila sa bandang huli, ay nag-iwan naman sa kanila ng isang buhay na alaala.

Nand’yan si Elias na magdudugtong pa rin sa kanilang dalawa bilang mga magulang. Hindi man sila magkabalikan ay habambuhay nilang pahahalagahan ang produkto ng kanilang pagmamahalan.

Lloydie may babalikan

Si John Lloyd at ang nakaraan nilang relasyon ang patagilid na tinutukoy ni Ellen Adarna sa kanyang sinasabing black hole na nagdulot sa kanya ang depresyon.

Wala nang iba pa, si JLC lang ‘yun, dahil wala namang ibang kinarelasyon ang sexy actress sa loob nang halos tatlong taon kundi ang aktor lang.

Nagsisimula pa lang ang kanilang relasyon ay marami nang nagmalasakit kay John Lloyd sa pagsasabing dahan-dahan lang ito, huwag masyadong magpakalalim, dahil paano kung hindi naman pala sila magtatagal?

Pero walang pinakinggan si Lloydie, si Ellen Adarna lang ang naging mundo nito, kaya nga pati ang kanyang career na naging malaking dahilan ng pagbabago ng kanyang estado sa buhay ay sinakripisyo nito.

Ngayon nga, ilang buwan pa lang silang nagkakahiwalay ay nakatagpo na agad ng bagong pagtutuunan ng pansin ei Ellen, ang Espanyol na si Carlos Lemus.

Guwapo rin ang lalaki, hindi nagpapaiwan ang itsura kay John Lloyd, pero paminsan-minsan lang daw sila nagkikita.

LDR ang kanilang relasyon, nandito si Ellen at nasa Spain naman si Carlos, ang milagro at hiwaga lang ng teknolohiya ang nagpapainit sa kanilang nararamdaman para sa isa’t isa.

Mas maganda nga sigurong hindi palaging kasama ni Ellen ang kanyang boyfriend, may mga nagpapalagay na kaya sila nagkahiwalay ni Lloydie ay dahil nagkasawaan sila, araw at gabi ba naman silang magkadikit hanggang sa paborito nilang dibersiyon na pagmamam.

Pero may babalikan si Lloydie, ang kanyang career na naghihintay lang sa kanya, ang isang tulad ni JLC na may magandang iniwanan ay siguradong may babalikan.