John Lloyd naglalaba na lang?

Vinia Vivar

Loving mister ang dating ni John Lloyd Cruz sa kanyang latest post sa Instagram. Nag-upload siya ng larawan ng nakasampay na t-shirt na puti na sey niya sa caption ay nilabhan niya.

“Sobrang ganda ng pagkalaba ko kumikinang sa puti,” ang caption ni Lloydie na ewan kung joke or what.

Bago ito, huling balita kay Lloydie ay ang pagbabakasyon nila sa beach kasama si Beauty Gonzales.

Nag-post kasi ang aktres ng mga larawan ng bakasyon nila at makikita sa larawan ang aktor pati na ang girlfriend na si Ellen Adarna.

Gabby nagparinig sa ka-date ni Jennylyn

Ikinuwento ni Gabby Concepcion na napakahilig daw magdala ng pagkain ng leading lady niyang si Jennylyn Mercado sa set ng “Love You Two.”
Kung ano-ano raw ang dinadalang food nito at natikman na rin daw niya ang malaking cookie ng aktres na Chunky Dough na napakasarap daw.

Nang dumating si Jen galing Dubai ay may pasalubong daw sa kanilang Chocolate Dates. Pagbibiro pa ng aktor, “may dala siyang dates, pero iba naman ang ka-date niya ru’n.”

Ang tinutukoy ni Gabby ay ang boyfriend ni Jen na si Dennis Trillo na kasama ng aktres na nagbakasyon sa Dubai.

Anyway, ngayong natupad na ang dream niyang makasama si Jen sa isang serye, ani Gabby ay gusto naman daw niyang makatrabaho sina Marian Rivera at Heart Evangelista.

Heart bibida sa Hollywood action film

Kasalukuyang nasa China na naman si Heart Evangelista para mag-shoot ng sequel ng kanyang international film na matatandaang naikuwento na nga niya noon pa nang makausap namin siya two months ago.

Sa kanyang latest Instagram Live ay kinumpirma ni Heart na nasa China siya para mag-shoot ng kanyang action film.

Sa huling interview rin ni Heart nitong Mayo sa isang event, nabanggit na niyang siya ang lead actress ng Hollywood film na isu-shoot sa China.

“And by the end of the year, we’re going to Los Angeles for the premiere night,” sey pa ni Heart sa nasabing panayam.

Pinaghandaan ng aktres ang kanyang role sa Hollywood film at aniya, ito raw ang first action film niya at first international movie rin.

Ngayon lang daw mapapanood sa kanya ang mga ginawa niya at kahit nga siya ay na-shock na nakaya niya raw itong gawin.

In preparation for the role ay kinailangang mag-boxing ni Heart at gumising nang madaling-araw para tumakbo.

Noon pa nilinaw ni Heart na hindi sequel ng “Crazy Rich Asians” ang kanyang ginagawang Hollywood film.

Vice tinalo nina Ken-Rita

Masaya si Ken Chan sa nakuhang ratings ng concert nila ni Rita Daniela na “My Special Love #BoBreyInConcert” na ipinalabas sa TV last Sunday.
Nakakuha ito ng 5.1% against “Gandang Gabi Vice” na 4.8% base sa datos ng NUTAM.
Kaya naman nagpasalamat ang dalawa sa kani-kanilang IG account.
“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng nanood kagabi ng concert namin ni @missritadaniela.
Mahal namin kayo, mga Kapuso!” ang post ni Ken.
Ginanap ang nasabing concert last May 11 at nabuo ito dahil na rin sa malaking tagumpay ng pinagsamahan nilang serye na “My Special Tatay.”
Wala pang inaanunsyong project sina Rita at Ken matapos ang serye pero dahil nga sa maraming nagre-request sa kanilang love team, maaari raw na magkaroon pa ulit sila ng soap na pagsasamahan ng dalawa.