John Lloyd nangamba sa anak

NI VINIA VIVAR

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita si John Lloyd Cruz tungkol sa anak nila ni Ellen Adarna na si Elias.

Ito’y tungkol sa kasalukuyang nararamdaman niya.

Ayon kay Lloydie nasa Cebu siya kasama si Elias at iba pang kasama sa bahay. Pero pakiramdam daw niya ay mag-isa pa rin siya.

“Parang ito na yata ‘yung pinakamalungkot na pag-iisa. ‘Yung tipong napapalibutan ka naman ng ibang tao, pero hindi mo lang alam, hindi mo masabi kung saan nanggagaling ‘yung pakiramdam na nagsasabing mag-isa ka pa rin,” pagtatapat ni Lloydie sa live session nila ni Bea Alonzo.

Alam daw niya na dapat siyang maging masaya dahil okay naman ang buhay niya at maswerte siya.

“May bahay ka, nakakakain ka ng higit sa dapat sa isang araw kahit nasa lockdown ka. Nakakapag-internet ka. So di ba dapat, masaya ka? Dapat magpasalamat ka na lang. Matututo kang makontento kung anon’g meron ka, kung nasaan ka.”

Pero hindi niya raw alam kung bakit mayroon siyang ganun’g nararamdaman.
“Ang sama, eh, no? Parang sarili ko lang iniisip ko,” he said.

Bea comforted him by saying, “hindi, hindi naman. Pero try mo pa ring maging masaya kahit na para kay Elias lang.”

John Lloyd continued to open up about his feelings.

“Alam mo, sa totoo lang, nalulungkot ako para sa anak ko. Actually, hindi, eh, hindi lungkot. Mas takot. Natatakot ako para kay Elias,” saad ng aktor.

“Natatakot ako kung paano ko siya palalakihin sa ganitong mundo. Natatakot ako na dito ko siya palalakihin sa ganitong estado ng mundo. Iba na ‘yung mundong ginagalawan natin, Bey, eh. Iba, ibang-iba na. Nakakatakot, eh.

“Ang bilis nang mamatay ngayon, eh. Ang bilis nang pumatay. Kaya iniisip ko, matatawag ba talaga nating maswerte mga sarili natin habang ‘yung iba na hindi masuwerte, nababaril lang nang ganu’n-ganu’n sa kalye, namamatay na lang nang walang kalaban-laban dahil sa sakit.

“Ako, nahihirapan akong sabihing swerte ako. Nakakahiya. Parang
nakakahiya na masuwerte ka, wala ka namang magawa,” he said.

Pag-alo naman ni Bea, “ano ka ba? Alam mo, feeling mo lang, wala kang magagawa, pero sa totoo lang, marami tayong pwedeng gawin, tayong mga maswerte.”

Pero ani Lloydie, iniisip nga raw niya kung talagang maswerte siya na dito niya palalakihin sa mundong ito ang kanyang anak.

“Wala akong choice, kasi dito ko kailangang palakihin ang anak ko sa ganitong estado ng mundo, sa ganitong klase ng mundo. Hindi ko alam kung maswerte pa rin ang tawag du’n,” seryosong sabi ng aktor.