Nilinaw ni Shaina Magdayao na hindi nila pelikula ni John Lloyd Cruz ang “Servando Magdamag” kundi movie ito ni Lloydie at cameo role lang daw siya rito.
Meron daw kasing mga may impression na movie nila ito, pero ang totoo ay tinanggap niya lang ang maiksing papel dito dahil kay Direk Lav Diaz.
Ani Shaina, ang dami niyang narating na international film festivals at hindi niya mararanasan ‘yon kundi dahil sa mga pelikula niya kay Direk Lav.
Utang na loob niya raw ‘yon sa batikang indie director, so ito raw ang paraan niya ng pagpapasalamat dito. Tinanggap niya ang short role sa comeback movie ni John Lloyd.
Katwiran niya raw nu’ng una, gagawin niya ito for the love of Lav Diaz pero nu’ng natapos ang pelikula, nasabi niya raw na masaya siya na sinuportahan niya hindi lang ang direktor kundi pati ang kaibigan niyang si JLC.
Meron ba silang scenes together ng ex-boyfriend niyang si Lloydie?
“Yes, meron. But it’s really a cameo,” sagot ng 30-anyos na aktres nang matsika namin siya kahapon sa presscon ng movie niya na “Tagpuan.”
Kamusta naman na reunited sila ni Lloydie sa isang pelikula?
“I did not see it coming, really. Whenever you would all ask me, ‘di ba? Hindi ko kasi siya nakitang posible na mangyari.
“But I guess, may mga chance encounters pa rin tayo sa buhay and naibigay ang opportunity. Wala, nangyari. So, it was okay.
“And like what I said, I now can say na I’m happy that I was able to support Direk Lav and my friend.”
Na-kindle ba ang friendship nila ni JLC?
“Okey naman kami nu’n eh, pero never ko talaga nakita na magkakasama kami sa trabaho. It was something na never ko naman kasi na-experience before.
“Ilang beses na rin akong natanong. Sabi ko, ‘Siguro, sasagutin ko ‘pag nandiyan na ‘yung opportunity,’ and then the opportunity arrived.
Mga ilang taon din ba bago sila nagkita ulit ni Lloydie?
“Lagi naman kaming nagkikita. ABS-CBN Ball dati, Star Magic events, hindi naman na bago at saka matagal na,” kaswal na sambit ni Shaina.
“It’s so nice because you know, we’re different people now and obviously, we’re both very happy with our respective lives. Pero maliit lang talaga mundo ng showbiz eh, ‘di ba? Ganu’n talaga ‘yun, eh.”
Bale ito ang first project nila together dahil hindi naman sila nagkatrabaho nu’ng sila pa.
Hindi na raw kasi matandaan ni Shaina ‘yung “Kaytagal Kang Hinintay” na 12 years old lang daw yata siya.
“Pero hindi rin yata nag-abot ‘yung karakter namin du’n. This particular project, we really had scenes together but then, konti lang.”
May warmup ba munang nangyari bago sila nag-eksena together?
“Personally kasi, okey naman kami nu’n (JLC) talaga. ‘Yung scene, ano siya, the usual Lav Diaz environment. It’s one take, it’s one long scene, say your lines, do what you think is right, just feel your character, ‘yun na ‘yon,” sabi pa ni Shaina.
Kongreso diringgin ang prangkisa ng ABS-CBN-Alfred
Bukas na ang simula ng preliminary hearing ng Kongreso hinggil sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN kaya humingi kami ng update dito mula kay Congressman Alfred Vargas.
Ayon sa actor-politician, ili-lay muna ‘yung ground rules at siya raw mismo ay member ng Committee on Franchise sa House of Representatives.
“Alam n’yo ako, hindi ko naman ide-deny, pero ang naka-discover talaga sa akin, si Mr. M (Johnny Manahan ng Star Magic).
“Tapos, I’ve done my first big break sa ‘Pangako Sa ‘Yo’ nina Kristine & Jericho. Ako ‘yung third wheel doon, si Dino.
“Pero nu’ng lumipat ako sa Kapuso network, eh talagang nabigyan ako ng mas malalaking breaks doon. ‘Yung ‘Encantadia,’ ‘yung mga gano’n. I’ll forever be grateful.
“Ako, I believe in fair chances, kaya kailangan madinig lahat. Sinabi ko na rin ‘to before. Mas pabor ako na ma-renew ‘yung franchise ng ABS-CBN, pero after hearing all the sides.
“Para na lang doon sa 11,000 employees at para du’n sa mga natutulungan ng 11,000 na ‘yon. Baka times 4 pa ‘yon kung pamilya. Malaki talaga ‘yung effect.
“Nag-sorry na naman, ‘di ba? Tapos, tinanggap na ng Pangulo. Tingin ko, napakagandang development nu’n. Naere na ‘yung grievances, tingin ko, magandang simula ‘yon dito sa proseso ng renewal,” pakli ng butihing mambabatas.
Totoo ba na ang Kongreso na ang may final judgment sa bagay na ito?
“Ah, yes. Kasi categorically, sinabi na ‘yan ni Secretary Panelo, sinabi na rin ng Pangulo, na hindi sila makikialam.
“Talagang nasa kapangyarihan na ‘yan ng taumbayan, meaning the House of Representatives and we are representing the people who elected us.
“Pero siyempre, Lower House and the Senate. At Presidente pa rin ang pipirma, whether he approves it or not. So, dadaan pa rin sa isang normal legislative process.
“But I’m very, very hopeful na magkakaroon na ito ng magandang resulta. Kasi, nakabitin ‘yung buong industriya rito, eh!”