Johnson, Yap pumutok Elasto Painters tumabla

Hinigpitan ng Rain or Shine ang depensa sa final 3 minutes, kumonekta ng clutch 3s sina Reggie Johnson at James Yap, at naitakas ng Elasto Painters ang 109-100 win laban sa Ginebra sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Itinabla ng Painters sa tig-isang laro ang PBA Commissioner’s Cup semis, babasagin ng dalawa ang pagkakabuhol sa Game 3 bukas sa MOA Arena.

Makinang na 25 points, 20 rebounds, eight assists at three blocks ang nilista ni Johnson.

Tumapos si Yap ng 18 points mula sa 7 of 12 field goal shooting at 3 for 5 sa labas ng arc. Umayuda ng 10, 11 at 12 sina Raymond Almazan, Chris Tiu at Gabe Norwood.

Sa likod ng 13 points ni Justin Brownlee sa first quarter ay lumayo ng hanggang 35-21 ang Gin Kings, pero perpektong 3 for 3 mula sa 3-point range si Tiu sa second at naibuhol ng Elasto Painters ang iskor sa 57-57 sa halftime.

Sa third, inagaw ng Gins ang manibela sa floater ni Greg Slaughter na sinundan ng free throw ni LA Tenorio mula sa technical foul ni Johnson, dalawa pa kay Scottie Thompson at umagwat ang Gins 77-73.

Sa four straight points ni Mark Borboran at drive ni Tiu, tabla ulit sa 87 papasok ng fourth.

Sa dulo, nagsalpak ng back-to-back 3s sina Yap at Johnson at naitakas ng Painters ang panabla sa seryeng panalo.

Nanguna ang 29 points, 12 rebounds ni Brownlee sa Ginebra, may 20 points at eight boards si Slaughter, 17 markers pa kay Tenorio.