Hiniling ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa Food and Drug Administration (FDA) na magsagawa ng pagsusuri sa mga produktong baby powder ng Johnson and Johnson (J&J) para matiyak ang kaligtasan ng mga consumer sa posibleng kontaminasyon ng asbestos.

Ginawa ng ALU-TUCP ang panawagan matapos i-recall ng Johnson and Johnson ang 33,000 bote ng kanilang produkto sa Estados Unidos noong nakaraang linggo matapos matuklasan na naglalaman ng asbestos ang mga sinuring sample product nito.

Dahil dito, iginiit ni Gerald Seno, ALU-TUCP national executive vice president, sa FDA na suriin ang mga baby product ng J&J na karaniwan nang ginagamit ng maraming Pilipino para matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produkto sa kalusugan ng mga consumer.

Noong Oktubre 18, inihayag ng US Food and Drug Administration ang pagkakatuklas sa deadl­y chrysotile asbestos fibers sa mga sinuri nilang produkto ng J&J at inabisuhan ang mga publiko na itigil ang paggamit ng J&J baby power na may Lot #22318RB.

Isinulong din ng ALU-TUCP ang inihaing panukalang batas sa Kamara para ipagbawal ang pang-aangkat, paggawa, paggamit at distribusyon ng asbestos para sa commercial na gamit. (PNA)