Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano sa House of Representatives na pinag-aaralan na ng gobyerno ang Joint Exploration and Development sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kasama ang China.
Sa briefing sa House Committee on Foreign Affairs, sinabi ni Cayetano na tinitiyak ng Duterte administration sa publiko na kung mabuo man ang kasunduan sa joint exploration sa China ay naaayon ito sa Philippine Constitution at hindi madedehado ang taumbayan.
“Wala naman sigurong magrereklamo kung ang mapapasok na commercial deal sa joint exploration ay mas maganda pa kumpara sa Malampaya Natural Gas Exploration,” pahayag ni Cayetano.
Ani Cayetano, tuloy ang pag-build up ng tiwala sa pagitan ng Pilipinas at China. Sa katunayan umano ay may ilan nang kasunduan ang tinanguan ng dalawang bansa kasama na rito ang pansamantalang fisheries agreement at ang pagtukoy sa mga lugar na ipepreserba ang mga malalaking taklobo (clam).
Matapos ang maikling open briefing ay humiling si Cayetano ng Executive session sa Foreign Affairs Committee para maihayag sa mga kongresista ang mga sensitibong impormasyon na hawak ng DFA na makakaapekto sa national security na pinagbigyan ng Kamara.