Joint venture ng Pinas at China labag sa batas

Labag sa batas ang gusto nilang gawin.

Ito ang paggigiit ni Albay Rep. Edcel Lagman bilang reaksyon sa nauna nang pahayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na nasa pro­seso na ang Pili­pinas ng negosasyon para sa joint venture agreement sa isang kumpanya sa China para sa oil exploration sa 200-nautical mile Exclusive Econo­mic Zone (EEZ) ng bansa.

Maging si Chinese Foreign Minister Wang Yi ay nagpahayag na rin ng suporta para sa binabalak na joint venture.

Ani Lagman, ang nais mangyari ng DFA ay pag­labag sa Section 2 ng Article XII ng Constitution na nagtatakda na “State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial seas and exclusive economic zone and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens.”

“This projected joint venture is both unconstitutional and an abandonment of the Permanent Court of Arbitration’s decision which recognized the country’s sovereignty over the resource-rich West Philippine Sea against the spurious claims of China,” pahayag ni Lagman.

Paliwanag pa ng mambabatas na maaaring pumasok sa kasunduan sa dayuhang kumpanya para sa technical o financial assistance para sa isang exploration, development at utilization ng marine wealth ng bansa sa kapasidad bilang contractors pero hindi puwedeng joint venture partners.

Kapag nagkataon umano at nadiskubre sa gagawing exploration ay hindi lamang ang Pilipinas ang makikinabang dito kundi maging China na isang malinaw na paglabag sa territorial sovereignty.