GUSTUNG-GUSTO na ni Jolina Magdangal-Escueta na masundan ang panganay nila ng mister niyang si Mark Escueta na si Pele Inigo.
3 years old na si Pele. Ayaw ni Jolina na masyadong malayo ang agwat ng mga anak nila, gusto niya ay close lang.
Kung mabi-bless sila ng bagong baby, wish ni Jolens na sana, anytime within the year.
Natatawang sey ni Momshie Jolens sa presscon ng Super Twins, kung puwede ay twins ang next niyang maging anak para isang irihan lang, dalawa agad.
Kaya lang ay wala silang lahing kambal.
Lima o higit pa ang gustong anak ni Jolens. Gusto niya ay ‘yung nagsisiksikan sila sa bahay.
Katuwiran niya, masaya ‘pag marami. Sana ay kayanin ng katawan niya ang apat pang anak or more.
Tatlong magkakapatid sina Jolina habang sina Mark ay apat na magkakapatid.
Kaya Pele ang name ng panganay nila ay dahil ‘miracle’ ang ibig sabihin nito sa Hebrew.
Nu’ng first quarter kasi ng pagbubuntis niya kay bagets ay nagdelikado ito. Nag-spotting siya dahil feeling niya, may moment na na-stress siya that time.
Pero kung relaks at walang ibang iniisip ay kaya niyang magbuntis pa ulit.
In fairness ay hindi siya nahirapang magka-first baby tulad ng iba, ‘yung first trimester lang ni Pele ang medyo nagkaproblema.
Ang hectic ng schedule ni Jolens mula nang bumalik siya sa ABS-CBN. Hirit niya, kahit busy ay may paraan pa rin sila ni Mark para mag-loving-loving.
May Magandang Buhay siya everyday, naghuhurado pa siya sa ‘Tawag ng Tanghalan’ sa It’s Showtime, tapos ay may ASAP siya tuwing Linggo.
***
Six years nang kasal sina Jolina at Mark at wala silang major away sa anim na taon na ‘yon.
Parang ang bait-bait kasi ng musician hubby ni Jolens, pero sabi niya sa amin ay nagagalit din si Mark at takot siya ‘pag nagalit na ito.
In fairness to her ay mabait din kasi siyang asawa kaya hindi sila nag-aaway ng mister niya.
Sabi sa amin ng 38-anyos na Kapamilya actress-singer, hindi siya nagseselos kahit may impression na lapitin ng girls ang mga katulad ng mister niya na nasa banda (original member ng Rivermaya si Mark).
Never din siyang nagduda o kinutuban ng masama kahit nagpupunta sa malalayong probinsiya si Mark para mag-show.
“Subukan lang nilang lumapit! Charot!! Ha! Ha! Ha!”
3 years ang ideal sa kanilang mag-asawa bago magkaanak ulit.
Ani Jolens, caesarean kasi siya, so at least 2 years muna bago siya ulit magbuntis.
Napatili siya nang tanungin namin kung anong ginagawa nila ni Mark at hindi siya nabubuntis.
Biglang nahiya ang Jolens dahil grabe raw ang tsikahan namin.
“Kung ano ‘yung dapat na ano… ayoko nang sabihin! Ha! Ha! Ha! Hindi ko alam. Basta!” natatawang sagot sa amin ng tumi-teenybopper pa ring si Jolens.
Ayaw niyang sabihin kung withdrawal ba, rhythm o condom ang ginagamit nilang paraan para huwag siyang ma-preggy.
2 years nang endorsers ang pamilya Escueta ng Super Twins Premium Baby Diapers.
At dahil 3-anyos na at mas nagiging active na si Pele, ang bago na nitong ginagamit ay ang Super Twins Baby Pants ng Megasoft Hygienic Products.