Jollibee sa Kalaw nagliyab

Nagliyab ang isang sangay ng Jollibee fast food kahapon ng umaga sa panulukan ng Ma. Orosa at TM Kalaw sa Maynila.

Ayon sa Manila Fire Department (MFD), naganap ang sunog alas-11:20 ng umaga na umabot lamang sa unang alarma at idineklarng fire-out pasado alas-12:00 ng tanghali.

Nakita na lamang ng mga crew na nagliliyab umano ang wire sa loob ng establisimyento.

Sanhi nito, kaagad na pinalabas ang lahat ng kostumer sa loob kung saan maagap namang dumating ang mga bumbero.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi. Iniimbestigahan ngayon ang dahilan ng sunog at napinsalang ari-arian. (Juliet de Loza-Cudia)