Isang babae ang naglagay ng bomba sa loob ng Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa Jolo, Sulu na kumitil ng 21 katao at ikinasugat ng higit sa 100 pa noong Linggo ng umaga, ayon sa ulat ng isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon.

Sa panayam kay AFP Public ­Affairs Office chief Col. Noel Detoyato, sinabi nito na ang naturang impormasyon ay base sa pahayag ng dalawang sugatang biktima na isang babae umano ang nag­lagay ng bomba sa isang upuan sa loob ng simbahan.

“Dalawa sa sugatang biktima ang nakapagsabi na isang babae ang nag-iwan ng bag on the fifth pew of the church coming from the main entrance door tapos sumabog,” pahayag ni Detoyato sa pa­nayam ng mga reporter kahapon ng hapon.
Dagdag pa ni Detoyato na sa kasalukuyan ay pinaghahanap na ang nasabing babae na pinaniniwalaang nakaligtas sa pagsabog.

“Palagay buhay ‘yung babaeng nag-iwan ng bomba kasi may ­sufficient time siya para makalayo bago sumabog ang bomba,” dagdag ni Detoyato.

Subalit hindi naman umano mailarawan nang maayos ng ­dalawang biktima ang itsura ng nasabing babae.

Nauna nang sinabi ng AFP na ang grupong Adjang-Adjang ang responsable sa pambobomba matapos makuhanan nang ilang beses sa closed-circuit television (CCTV)ang tatlong miyembro nito kabilang si alyas Kamah, kapatid ng napaslang na Abu Sayyaf subleader na si Surakan Ingog.

Si Kamah rin umano ang nag-trigger ng improvised explosive device (IED) na itinanim sa loob at labas ng simbahan.
Samantala, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Abu Say­yaf ang nasa likod ng magkasunod na pagpapasabog sa naturang simbahan sa pamamagitan ng dalawang suicide bomber.

Isang babae at isang lalaki ­aniya ang nagsilbing suicide bomber batay sa ibinigay na impormasyon sa kanya ng military nang magpunta sa Jolo noong Lunes ng hapon, sabi ng Pangulo sa ambush interview sa kanya matapos pa­ngunahan ang groundbreaking ceremony para sa itatayong ospital sa Panghulo, Ma­labon City kahapon.

“Yes we are sure of that. Walang iba, nobody but nobody can perpe­tuate that kind of terrorism. I have no doubt, that is what the military told me,that is what the police relayed to me, and I am guided by what the government forces would tell me,” anang Pangulo.