Jolo at Jodi memorable, weird ang S’pore bonding kina Pampi-Iwa

NAKABALIK na ng Pilipinas si Vice Gov. Jolo Revilla, kasama sina Jodi Sta. Maria, at kanilang mga anak, mula Singapore. At bongga nga na pati sina Pampi Lacson at Iwa Moto, at ang anak nilang si Mimi ay kasama rin nila.

Saglit naming nakausap si Jolo nang dumating sila at tuwang-tuwa siyang nagkuwento na memorable ang bakasyong iyun.

“Masaya kami talaga para sa mga bata. Masayang experience iyun sa mga bata,” sabi ni Jolo.

Hindi lang daw niya alam kung paano napagkasunduan nina Jodi at Iwa na magkayayaan na magbakasyon silang lahat kasama ang mga bata, at natuloy na nga ito at tuwang-tuwa raw sila para sa mga bata.

Nakikita raw nila ang closeness ng magkapatid na Thirdy at Mimi, pati na rin ang anak ni Jolo na si Gab na tumatayong kuya-kuya ng dalawang bagets.

Ang isa pa raw sa ikinatuwa ni Jolo ay sobrang close daw ngayon kay Jodi ang anak nina Iwa at Pampi na si Mimi. Kaya kampante naman ang mag-partner na Pampi at Iwa na ipagkatiwala nila ang kanilang anak sa Kapamilya actress.

Kagaya nga ng sitwasyon nina Ogie Alcasid, Regine Velasquez at Michelle Van Eimeren, parang pamilya na nga ang turing nilang lahat.

Ang ganda ng mensaheng ipinarating ni Iwa sa isa sa mga post niya bago sila bumalik ng bansa.

“Family isn’t always blood. It’s the people in your life who want you in theirs, the ones who accept you for who you are. The ones who would do anything to see you smile and who love you no matter what.

“Thank you Lord for the blessing of family. We must keep in mind that

FAMILY comes in all shapes and sizes,” mensahe ni Iwa.

May isa rin siyang post na kuhang magkasama sila ni Jodi at sabi niya, “Indeed unexpected friendships are the best ones.”

Nag-comment si Jodi sa post na iyun na, “@iam_iwa love you.”

Sabi naman ni Jolo, baka weird daw ito sa iba, pero iyun daw ang katotohanan na itinuturing nilang blessing ito sa kanilang pamilya.

“Medyo weird tingnan sa iba…but this is reality eh. Kumbaga, mas tinitingnan namin ito ‘yung maganda eh, para na rin sa mga bata,” saad ng Vice Governor ng Cavite.

Pagkauwi nga raw nila ay pinag-uusapan na nila kung kailan nila ito gawin uli.

“We’re looking forward. Siguro mga next year,” nakangiting say pa ni Jolo.