NAKASUNGKIT ng nominasyon si Eva Noblezada sa 2017 Tony Awards, pero ligwak ang co-star niya sa Miss Saigon na si Jon Jon Briones.

Pasok ang 21-year-old Fil-Am na si Eva sa kategor­yang Best Leading Actress in a Musical kung saan bi­gatin ang mga kalaban niyang sina Bette Midler (Hello, Dolly!), Patti LuPone (War Paint), Christine ­Ebersole (War Paint) at Denee Benton (Natasha, Pierre & The Great Comet of 1812).

May mga nasorpresa sa pagpasok ni Eva rito dahil nalaglag ang mas inaasahang mano-nominate na sina Phillipa Soo (Amelie) at Christy Altomare (Anastasia).

Tila malabong ma-duplicate ni Eva ang Tony win ng original Kim ng Miss Saigon na si Lea Salonga nu’ng 1991, pero ang maihanay ang pangalan niya sa co-nominees niya ay isang karangalan na.

Mula nang mag-umpisa ang original Miss Saigon sa London ay kasama na sa cast si Jon Jon Briones, hanggang sa ito ang napiling gumanap na The Engineer sa West End at Broadway revivals nito.

Umaani ng papuri ang world-class performance ni Jon Jon, pero nagkata­ong maraming bigating pangalan ang nagsisiksikan sa kategoryang Best Leading Actor in A Musical, kaya nabigo siyang makapasok dito.

Ang isa pang nominasyon ng Miss Saigon ay Best Revival of a Musical kung saan kinabog nito ang Sunset Boulevard (ni Glenn Close) na hindi pinalad na ma-nominate.

Nag-tweet agad si Rachelle Ann Go na sobrang proud siya kay Eva, na very close sa kanya.

Si Lea ay nag-tweet din ng congratulations kay Eva at sa Miss Saigon.

Ang The Great Comet na Broadway debut ni Josh Groban ang nakakuha ng pinakamaraming nominasyon (12) sa 2017 Tonys, na ang awards night ay ihu-host ni Kevin Spacey sa June 11.