Jon target si Jennylyn

Ngayong nasa GMA-7 na si Jon Lucas, ang isa raw sa gustong-gusto niyang makatrabaho ay si Jennylyn Mercado. Aminado ang aktor at dating miyembro ng Hashtags na crush niya ang Kapuso Ultimate Star.

“Kahit kapatid niya lang ako (sa role) o kaya batuk-batukan niya lang,” natatawang sabi ni Jon. “Ultimate Star, eh. Siya naman ang ultimate crush ko sa GMA.”

Hindi naman imposible ang pangarap ni Jon lalo pa nga’t pareho na silang nasa poder ni Becky Aguila at ng GMA Artist Center. Besides, malaki rin ang chance na ang aktres ang leading lady ni Dingdong Dantes sa “Descendants of the Sun” kung saan ay isa rin sa cast si Jon.

Puring-puri naman ni Jon si Dingdong na katrabaho niya ngayon sa DOTS. Bago pa man nagsimula ang taping ay sumailalim na sila sa military training at doon pa lang ay nakita raw niya kung gaano kabait na tao ang aktor.

“Kaya siya nandiyan, deserved niya ‘yun, kasi mabait talaga siya at marunong makisama. Hindi ka niya ida-down. For example, pagka may gusto kang sabihin sa scene, sabihin mo lang, tatanggapin niya ‘yun. Kasi ngayon, nagdidirek na rin si Kuya Dong, eh,” sey ni Jon na gaganap na Harry Potter sa DOTS. (Vinia Vivar)