NAKITA namin sa Instagram account ni Jona na nagpapasalamat siya sa success ng nakaraang concert nilang Birit Queens kasama sina Angeline Quinto, Morisette at Klarisse de Guzman na sa SM MOA Arena nu’ng Biyernes ng gabi.
Nagtanung-tanong kami sa ilang kaibigang nakapanood para kumustahin ang kanilang concert, halos iisa ang obserbasyon nila… hindi ganu’n ka-successful.
Ayon sa isang source namin, medyo nakakabahala nu’ng pagpasok nila nang 7:00 PM, aalug-alog ang mga tao sa loob ng Arena.
Bandang 7:30, nakita nilang ipinu-post sa social media account ng ilang staff na nag-iimbita silang pumunta na ng SM MOA Arena para manood ng Birit Queens concert.
Nakakagulat daw, mag-aalas-otso ng gabi, nagdatingan ang mga tao at napuno na ang bandang taas na bahagi, pero ang dami pa raw bakanteng upuan sa bandang baba.
Ang duda nila, nagpapasok na sila ng mga tao kahit walang tickets para mapuno ang venue.
Maayos daw ang concert at kung pabiritan lang at bonggang performance ang pagbabasehan, standout si Jona.
Sumunod daw kay Jona si Angeline Quinto at si Morisette at panghuli si Klarisse.
Ang isa pang napapansin ng ilang kaibang nakapanood, parang ‘di raw nababagay sa Birit Queens ang guesting nina Iñigo Pascual, Zeus Collins, Rayver Cruz at Sam Concepcion.
Siyempre, Birit Queens nga namang naturingan, inaasahan nilang susuportahan ito ng mga katulad nina Regine Velasquez, Lani Misalucha, o kahit Pops Fernandez o Zsa Zsa Padilla.
O kaya, kumuha sana sila ng guests na may konek sa Birit Queens.
Nanood du’n si Erik Santos, puwede siyang pinag-guest.
Biniro pa raw roon ni Angeline na nagpasalamat ito sa suporta ni Erik kahit abala ito kay Ms. Great Britain na nali-link sa kanya.
Ang isa pang napansin nila sa concert, parang ‘one of those’ lang ang performance ng guests at may ‘bagot factor’ sa ilang numbers.
Sana, pinag-ayos din silang queens o diva na hindi mala-reynang ayos na may korona and all, kundi ‘yung mukha namang pinag-isipan daw sana ng stylists o designers ang mga ipinapasuot na damit.
Masaya ang mga kaibigan namin para kay Jona dahil nagkaroon ito ng premium bilang performer at nagkaroon ng direksyon ang career magmula nang lumipat ito ng ABS-CBN.