Hindi rin puwedeng hindi matanong si Jona tungkol doon sa pumutok na tsismis na kesyo nabuntis daw ito. At ang sinasabi pang nakabuntis umano kay Jona ay ang driver niya.
“I know! Opo, nakarating po sa akin. Siyempre po unang-una, natawa lang po talaga ako. Kasi, alam ko naman po na walang katotohanan ‘yun, eh,” bulalas ni Jona nang makausap namin kahapon.
“Basta, nakakatawa po siya kasi everytime pupunta ako sa ABS, papasok ako sa Star Music o kung saan mang offices du’n, sinasabi nila, ‘O, preggy ka raw?’ Tapos, ang nakakatawa pa, ako pa ‘yung last na nakaalam.
“Kasi, hindi po ako ‘yung unang taong nakakaalam ng mga chismis, sila pa ‘yung unang nakaalam. Tapos, nung sinabi nila sa akin, natawa na lang po ako. Parang ‘pag binibiro po nila ako sa gano’n, sinasakyan ko na lang po.”
Ang chaka ng isyu dahil ang lumabas nga ay driver niya raw ang nakabuntis sa kanya. Kalerky!
“Ano ba ‘yan?! Nakakatawa po talaga kasi… dati po, may driver po kami, ngayon po wala na.
“Ako po ang nagda-drive or ang manager ko. Kasi minsan, madadali lang naman ang mga lakad.”
Bakit may ganu’n ka-wild na chika about her? Saan nanggaling ‘yun?
“Hindi ko po alam. I don’t know. Somehow, thankful po ako na nagawan po ako ng tsismis. At least, for him or for her, kung sinuman po ‘yung gumawa, at least para sa kanya, parang relevant akong pag-usapan.
“So, thankful somehow na napansin ako. Pero nakakatawa po talaga kasi wala naman pong basis talaga.
“Kasi, minsan po ‘di ba, ‘pag may mga tsismis, kumbaga, merong usok na panggagalingan? Pero eto, wala po talaga,” natatawa na lang na sambit ni Jona.
If ever mabuntis ba siya, hindi niya ‘yon itatago?
“Ay, hindi po. Kasi, parang ang hirap naman po nu’n na nagtatago, nagsisikreto. Basta, mahirap mamuhay nang gano’n.”
Wala ba siyang boyfriend ngayon?
“Wala pa rin po. Ha! Ha! Ha! Wala pa rin. Magde-decade na po,” tapos ay natawa ulit si Jona.
Makikipagtagisan ng bosesan at biritan si Jona sa Asia’s Nightingale na si Ms. Lani Misalucha sa “The Aces” concert also with Darren Espanto.
Kinakabahan at nape-pressure raw si Jona dahil aminado siyang malayo pa siya sa style ng pag-awit ni Ms. Lani, pero marami raw siyang natututunan sa pagsasama nilang ito.
Aniya, masuwerte sila ni Darren na nadadagdagan lalo ang mga kaalaman nila dahil sa batikang diva.
Inaasahan ng audience ang mga halimawan at makalaglag-bagang tagisan ng boses nina Jona at Ms. Lani sa “The Aces” sa March 30 sa Big Dome kaya ‘yun daw mismo ang ibibigay nila sa mga manonood.