Hindi na dadaan sa Jones bridge ang ruta ng prusisyon ng Poon na Itim na Nazareno sa darating na kapistahan nito sa Enero 9, 2020.
Ito ang kinumpirma ni Manila Police District Director Police Brig. Gen. Bernabe Balba. Sa halip aniya na sa Jones bridge ididiretso ang prusisyon ay sa Ayala bridge na mula sa P. Burgos.
Ayon kay Balba, hindi na binigyan ng clearance ng Department of Public Works and Highway (DPWH) para padaanan sa napakaraming deboto ng Poong Nazareno ang Jones Bridge at Quezon Boulevard bridge kaya idadaan na lamang ang prusisyon sa Ayala bridge papunta sa mga kalsada na dinadaanan ng ruta nito.
Nangangamba umano ang DPWH na bumigay na ang tulay kapag napuno ng napakaraming bilang ng mga deboto.
Tuloy pa rin naman ang isinasagawang pahalik sa bisperas ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Sinabi ni Balba na patuloy ang isinasagawang preparasyon para sa paghahanda sa kapisthan ng Itim na Nazareno.
Gayundin, sinabi ni Balba na wala namang anumang banta sa Maynila ngayong Christmas Season at sa preparasyon ng Kapistahan ng Quiapo. (Juliet de Loza-Cudia)